28,041 total views
Inilunsad ng Bureau of Fire Protection (BFP) National Headquarters Chaplain Service ang taunang pagdalaw ng imahe ng Mahal na Birheng Maria sa kanilang tanggapan bilang bahagi ng paggunita sa buwan ng Santo Rosaryo.
Ngayong taon ay unang dumalaw ang pilgrim image ng na simula ng bagong tradisyon sa BFP.
Ayon kay Post Chaplain Fr. (SInsp) Raymond Tapia, layunin ng kanilang chaplain service na mapaigting ang debosyon at mapalalim ang pananampalataya sa hanay ng mga bumbero sa pamamagitan ng mga gawaing espirituwal.
“Tuwing ikalawang linggo ng Oktubre, dadalaw ang Mahal na Birhen dito sa aming National Headquarters — isang tradisyong sinimulan namin ngayong taon. Manalangin tayo na bigyan kami ng karunungan, katalinuhan, at lakas ng loob sa aming paglilingkod bilang mga bumbero — sa aming tungkulin na magligtas ng buhay at magligtas ng ari-arian,” pahayag ni Fr. Tapia sa panayam ng Radyo Veritas.
Binigyang-diin ni Fr. Tapia na ang pagbisita ng Mahal na Ina ay hindi lamang simbolo ng pananampalataya, kundi paanyaya rin na magdasal para sa lahat ng kawani ng BFP sa iba’t ibang rehiyon na patuloy na nagsasagawa ng search, rescue, at relief operations sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng mga bagyo at lindol sa Visayas at Mindanao.
“Nawa, sa tulong ng panalangin ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario ng Manaoag, bigyan ng Diyos ng kalakasan at katatagan ang aming mga kaanib na apektado ng mga lindol at bagyo,” dagdag pa ng pari.
Bilang pagninilay sa pagdiriwang ng Rosary Month, hinimok din ni Fr. Tapia ang mga mananampalataya na isabuhay ang diwa ng debosyon sa Mahal na Birhen sa pamamagitan ng pananampalataya at mabuting gawa.
“Ang tunay na pagdidebosyon sa Mahal na Birheng Maria ay hindi lang nakikita sa salita, kundi sa gawa at sa halimbawang ipinakikita sa kapwa at lipunan. Inaanyayahan namin ang lahat na gamitin ang buwang ito hindi lang sa pagdarasal ng Santo Rosario, kundi sa pagninilay ng bawat misteryo at sa pagsasabuhay nito sa araw-araw,” dagdag pa ni Fr. Tapia.
Mananatili ang pilgrim image ng Our Lady of the Rosary of Manaoag sa St. Florian Chapel ng BFP National Headquarters sa Quezon City hanggang Oktubre 17, kung saan bukas ito sa publiko para sa pagdalaw at pakikibahagi sa mga banal na misa tuwing alas-onse ng umaga.




