27,426 total views
Binigyang-diin ni Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc na bago pa man dumating ang mga panlabas na impluwensiya, matagal nang isinasabuhay ng mga katutubo ang mga turo ng Panginoong Hesus, lalo na ang diwa ng paglilingkod.
Inihalintulad ng obispo ang buhay ng mga katutubo sa halimbawa ni Kristo na “hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.”
Ang pahayag ay bahagi ng pagninilay ni Bishop Dimoc, na siya ring chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines–Episcopal Commission on Indigenous Peoples (CBCP-ECIP), sa Banal na Misa na pinangunahan ni Calapan Bishop Moises Cuevas sa Sto. Niño Parish, Roxas, Oriental Mindoro, bilang pagtanggap sa mga delegado ng Lakad-Padyak para sa Katutubo at Kalikasan na nagsimula pa sa Boracay island sa Aklan.
“Our Lord Jesus Christ said that He came not to be served, but to serve… He served, and this is the life of the indigenous peoples. Bago pa ‘yung impluwensya sa labas na masama, ay isinabuhay na ng mga katutubo ang paglilingkod,” ayon kay Bishop Dimoc.
Binigyan diin ng obispo na mayroong “sound theology” ang mga katutubo sapagkat hindi nila ginagamit ang Diyos upang makapanakit o gumawa ng masama sa kapwa.
Iginiit ni Bishop Dimoc na hindi katulad ng mga corrupt na lider ng bansa ay ipinapakita ng mga katutubo nila ang pananampalataya hindi lamang sa salita kundi sa gawa—sa pagtutulungan, paggalang sa buhay, at pangangalaga sa kalikasan.
“Because God is good, God demands they should also be good. Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito,” saad ng obispo.
Ibinahagi rin ni Bishop Dimoc, na isang katutubong Ifugao, ang pagiging payak ng pamumuhay ng mga katutubo, na mahalagang paalala sa makabagong panahon kung saan unti-unting nawawala ang ganitong asal dahil sa mapaminsalang impluwensya ng materyalismo at labis na pagnanais sa kaginhawahan.
Iginiit ng obispo na ang ganitong uri ng pamumuhay ay dapat tularan ng lipunan ngayon sapagkat sa pagiging simple natatagpuan ang tunay na kalayaan, kalusugan, at kapayapaan ng puso.
“Kailangang ma-highlight ang buhay at kultura ng mga katutubo. Nandoon ang salita ng Diyos—hindi lang ito binabasa kundi isinasabuhay. It is already applied and visible in their way of life,” ayon kay Bishop Dimoc.
Ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), tinatayang nasa 17 milyon ang bilang ng mga katutubo sa Pilipinas na binubuo ng mahigit 110 ethnolinguistic groups.
Sa kabila ng mahalagang ambag sa pangangalaga ng kalikasan at sa pagpapanatili ng kulturang Pilipino, patuloy pa ring humaharap ang mga katutubo sa iba’t ibang hamon tulad ng pang-aagaw ng lupaing ninuno, pagmimina, militarisasyon, diskriminasyon, at kakulangan sa maayos na edukasyon at serbisyong panlipunan




