25,226 total views
Ibinahagi na ng Archdiocesan Shrine and Parish of Santo Niño sa Tondo, Maynila ang opisyal na tema para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Santo Niño 2026.
100-araw bago ang pagdiriwang ng Pista ng Mahal na Poong Santo Niño ng Tondo sa ika-18 ng Enero, 2025 ay inihayag ng pang-arkidiyosesanong dambana ang temang “Sto. Niño: Huwaran ng Kababaang-Loob tungo sa Kadakilaan ng Diyos” (Lucas 9:48).
Ang tema ay isinapubliko kasabay ng paggunita ng “100 Araw Bago ang Kapistahan” ng Mahal na Poong Santo Niño noong ika-10 ng Oktubre, 2025 bilang paghahanda sa Pistang Bayan na gaganapin sa Enero 18, 2026.
Binibigyang-diin ng tema na nakabatay sa Ebanghelyo ni San Lucas na ang tunay na kadakilaan ay nasusumpungan sa kababaang-loob, tapat na paglilingkod, at pagsunod sa kalooban ng Diyos, kung saan dapat na iwaksi ang kayamanan, kapangyarihan, o katanyagan.
“Sa ating pagdiriwang ng Pistang Bayan sa ika-18 ng Enero 2026 sa karangalan ng Mahal na Poong Santo Niño ng Tundo, patuloy nating ipagbunyi ang Diyos na nagpakababa upang tayo’y iligtas. Ang tema ng kapistahan sa taong 2026 ay hango sa Ebanghelyo ni San Lucas, na nagtuturo sa atin na ang tunay na kadakilaan ay hindi nasusumpungan sa kayamanan, kapangyarihan o katanyagan, kundi sa mapagpakumbabang paglilingkod at tapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos Ama.” Bahagi ng pahayag ng Archdiocesan Shrine and Parish of Santo Niño sa Tondo, Maynila.
Sa pagdiriwang ng kapistahan, inanyayahan ng parokya ang mga deboto na patuloy na ipagbunyi ang Diyos na nagpakababa upang iligtas ang sangkatauhan, at tularan ang kababaang-loob ng Batang Hesus na ‘nakipamuhay sa atin’.
Binigyang-diin din sa mensahe ng dambana na sa pamamagitan ng pamimintakasi sa Santo Niño ay mahubog sa mga mananampalataya ang malalim na pananampalataya, kababaang-loob, at dalisay na pag-ibig na mga biyayang umaakay sa kabanalan at sa kadakilaan ng Diyos.




