10,165 total views
Nagtalaga ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) ng bagong executive director na mangangasiwa sa pagpapatuloy ng misyon ng organisasyon para sa susunod na tatlong taon.
Itinalaga ng TFDP Board of Trustees si Mr. Emmanuel C. Amistad bilang bagong executive director ng organisasyon para sa tatlong taong termino epektibo noong March 1, 2025 hanggang 2028.
Taong 1974 ng itinatag ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) bilang isang human rights organization na misyong makapagpaabot ng tulong at ayuda sa mga political prisoners ng Batas Militar sa ilalim ng diktaduryang Marcos Sr..
Makalipas ang 50-taon ay patuloy pa rin ang pagkakaloob ng TFDP hindi lamang ng legal na pag-agapay kundi maging moral at pang-espiritwal na paggabay sa mga political prisoners at kanilang pamilya upang hindi mawalan ng pag-asa ang mga ito na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kalayaan.
Bilang bahagi ng adbokasiya ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) ilang mga human rights group din ang natulungang mabuo ng organisasyon kabilang na ang Families of Involuntary Disappearance (FIND), SELDA na organisasyon ng mga dating naging political detainees, KAPATID na organisasyon ng mga kapamilya ng mga political prisoners, MARTYR o Mothers and Relatives
Against Tyranny and Oppression, at Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) na pawang nangunguna sa pagsusulong ng mga karapatang pantao sa bansa.