840 total views
Ang tunay na kalayaan ay nakaugat sa katotohanan at maayos na kalusugan ng bawat mamamayan.
Ito ang mensahe ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona sa paggunita ng bansa sa 124th Independence Day o Araw ng Kalayaan.
Ayon sa Arsobispo, ang tunay na diwa ng kalayaan sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic ay ang patuloy na pagsusulong ng katotohanan at mabuting kalusugan.
Tinukoy ni Archbishop Tirona ang kapakanan ng mga kabataan na maging mulat sa mga nagananap at estado ng bansa.
“Ang tunay na kalayaan ay nakaugat sa katotohanan at kalusugan ng mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan. Sa pag-gunita natin ng Araw ng Kalayaan, patuloy nating ipaglaban ang katotohanan at kalusugan ng spirito, isip at katawan ng bawat mamamayan. Ipanalangin natin ang ating bansa at ipagdiwang ang ating Kasarinlan. Mabuhay ang Pilipinas!” pahayag ni Archbishop Tirona sa Radio Veritas.
Tema ng 124th Independence Day o Araw ng Kalayaan, ang “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas (Rise Towards the Challenge of a New Beginning)”.
Layunin ng tema ng Araw ng Kalayaan ngayong taon ay upang bigyang diin ang sama-samang pag-ahon ng bawat Pilipino mula sa iba’t ibang hamon na kinaharap ng bansa.