664 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Minor Basilica de San Sebastian na pananatilihing buhay ang Dungaw na makatutulong sa pagpapalalim ng pananampalataya ng mamamayan.
Ayon kay Fr. Edgar Tubio, OAR, parish priest at rector ng Basilica na masidhing pananampalataya ang ipinamalas ng mga deboto sa taunang Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno at sa pagdungaw ng Mahal na Birheng Maria.
“Makatulong talaga ito sa ating pananampalataya dahil ito [Traslacion] ay expression ng ating pananalig sa Diyos,” pahayag ni Fr. Tubio sa Radio Veritas.
Ayon sa pari, ang tagpo sa Dungaw na sinaksihan ng mahigit dalawang milyong deboto ay nagpapatunay sa malalim ng debosyon para sa Diyos at sa Mahal na Ina.
Nilinaw naman ni Fr. Rommel Rubia, OAR na ang Dungaw ay hindi pagsasadula sa isang tagpo sa bibliya kung saan sinalubong ni Maria si Hesus na pasan ang krus patungong kalbaryo kundi ito ay isang kaugaliang namana sa mga Espanyol.
“Ito ay isang religious courtesy mula sa Spain at patuloy pa ring ginagawa sa ilang probinsya dito sa Pilipinas,” ani ni Fr. Rubia.
Paliwanag ng pari, inilalabas o idinudungaw ang mga imahe na hindi kabilang sa prusisyon sa tuwing dumadaan ang prusisyon ng imaheng nagdiriwang ng Kapistahan.
Ito ay bilang pagbibigay pugay sa mga imaheng ipinuprusisyon tulad ng nakagawiang Dungaw kung saan inilalabas ng Basilica ng San Sebastian ang imahe ng Mahal na Birhen ng Carmelo habang nakahinto ang andas ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ngayong taon malaki ang pagbabago sa naging Dungaw sapagkat nailapit ang andas ng Hesus Nazareno sa pinaglagakan ng Mahal na Birhen ng Carmelo at maaga itong naisagawa kumpara noong mga nakalipas na taon.
Umaasa ang mga Agustinong Pari na higit mapag-alab ng mananampalataya ang kanilang pananalig sa Panginoon sa tulong ng Traslacion at Dungaw kung saan higit na mapalalim ng tao ang pagsunod sa mga halimbawa ni Hesus at ng Mahal na Birhen na buong pusong tinanggap ang kalooban ng Diyos Ama.