286 total views
Nararapat na maintindihan ng mamamayan ang Sektor ng Transportasyon sa pagtaas ng pamasahe sa pampasaherong jeep.
Ito ang inihayag ni Rodolfo “RJ” Javellana Jr. Pangulo ng United Filipino Consumers & Commuters kaugnay sa pisong pagtaas ng pamasahe sa mga jeep sa National Capital Region, Region 3 at 4.
“Ito ay isang malungkot na balita sa ating mananakay subalit dapat din nating maintindihan ang sektor ng transportasyon bakit po nila ito hiniling.” pahayag ni Javellana sa Radio Veritas.
Ayon kay Javellana, malaki ang naging epekto ng ipinatupad ng pamahalaan sa reporma ng pagbubuwis o ang Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law dahil nagdulot ito ng paggalaw hindi lamang sa presyo ng produktong petrolyo kundi maging sa mga Spare parts ng mga sasakyan.
Dahil dito, napilitan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na aprubahan ang kahilingan ng transport group na magtaas ng pamasahe upang makatulong na rin sa mga Tsuper.
Naniniwala si Javellana na lahat ng mamamayan sa Bansa ang natamaan sa epekto ng TRAIN Law lalo na ang mga walang hanapbuhay at dumaranas ng matinding kahirapan.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Efren De Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) na ang kahilingang taas pasahe ay bunsod na rin sa halos wala nang kinikita ang mga jeepney driver.
Inihayag ni De Luna na sa karaniwang 300 pasahero ng mga jeep araw-araw 30-porsiyento dito ibinabawas para sa 20-porsiyento na diskwento sa mga Senior citizens, Estudyante at mga taong may Kapansanan.
Aniya, nakadadagdag din dito ang matinding pagsikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan partikular sa Metro Manila dahilan upang mabawasan ang biyahe ng mga jeep sa buong maghapon.
Sa kabuuang tala, mahigit sa 270 – libo ang mga jeep sa bansa kung saan 70-libo dito ang nasa Metro Manila.
Patuloy din ang pangamba ng mga jeepney operators at drivers sa programang modenisasyon ng pamahalaan sa pampublikong sasakyan dahil wala itong malinaw na polisiyang ipinatutupad.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika dapat na idinadaan sa mapayapang pakikipag – usap ng Pamahalaan lalo na sa mga usaping sumasakop sa mga Sektor na pangunahing maapektuhan ng bagong programa.