7,222 total views
Kinakailangan na maging tapat ang mga sangay ng pamahalaan sa paggamit ng pondo ng bayan.
Ito ang mensahe ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. kaugnay sa kontrobersyal na usapin ng confidential funds sa 2024 National Budget partikular na sa tanggapan ng pangalawang pangulo at Kagawaran ng Edukasyon na parehong pinangangasiwaan ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Obispo, kinakailangan ang katapatan at magbigay ng mga paliwanag kung paano ginagamit ang pondo ng bayan upang maiwasan ang anumang pagdududa at kontrobersiya ng katiwalian sa kaban ng bayan.
“Ang kailangang ipaliwanag na mabuti ay para saan gagamitin ang confidential funds at bakit napakalaki ang confidential funds ng OVP at Department of Education. Ang ayaw magbigay ng paliwanag at magbigay ng accounting kung saan ito ginagamit ay baka may itinatagong pagnanakaw.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani na pagod at sawa na ang taumbayan sa patuloy na katiwalian sa pamahalaan na bunga ng kakulangan ng ‘transparency’ sa paggamit ng kaban ng bayan kayat napapanahon nang maging tapat ang mga opisyal at sangay ng pamahalaan.
Pinayuhan ng Obispo na maging responsable ang mga opisyal ng iba’t ibang sanggay ng pamahalaan sa paggastos sa kaban ng bayan na nagmula sa buwis ng bawat mamamayan na dumaranas ng kahirapan.
“Dala na ang bayan sa corruption na buhat sa kakulangan ng transparency. Wala na ngang pera ang nakararami sa mamamayan palaki naman ng palaki ang gastos ng mga sangay ng pamahalaan. Mahiya naman ang hingi ng hingi ng gagastusin samantalang pahirap ng pahirap ang buhay.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Naunang binigyang diin ni Vice President Sara Duterte na “kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan.”
Patuloy na ipinaalala ng Simbahan na mahalaga ang katapatan ng mga opisyal ng bayan sapagkat karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan kung saan at paano ginagamit ang pondo ng bayan na dapat sana ay para sa mga programa at serbisyo para sa taumbayan.