436 total views
Tiniyak ng Diyosesis ng Legazpi ang pagtugon at pakikiisa sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ipanalangin at tulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol sa rehiyon ng Mindanao.
Bilang tugon sa panawagan ng CBCP, magsasagawa ng ikalawang koleksyon ang lahat ng mga parokya sa Diyosesis ng Legazpi sa lahat ng Banal na Misa sa darating na Linggo, ika-14 ng Hunyo 2026, bilang suporta sa relief at rehabilitation efforts para sa mga komunidad na naapektuhan ng 7.8-magnitude na lindol sa Mindanao.
“The Diocese of Legazpi joins the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines in praying for our brothers and sisters affected by the Sarangani Earthquake. In response to the CBCP’s appeal, a Second Collection will be taken in all Masses on Sunday, June 14, 2026, to support relief and rehabilitation efforts for the affected communities.” Ayon sa pahayag ng Diyosesis ng Legazpi.
Hinikayat ng diyosesis ang lahat ng mananampalataya na magkaisa sa pananalangin at magbahagi ng anumang makakayang tulong para sa mga biktima ng lindol, kanilang mga pamilya, mga rescue workers, at lahat ng patuloy na nagsasagawa ng mga operasyon para sa pagtugon at pagbangon ng mga nasalanta.
“We invite the faithful to offer their prayers and generous assistance for the victims, their families, rescue workers, and all those involved in the ongoing response and recovery efforts. ” Apela ng Diyosesis ng Legazpi.
Umaasa ang Simbahan na sa pamamagitan ng sama-samang panalangin at bukas-palad na pagtulong ng mga bawat mananampalataya ay maipadama ang pag-asa at malasakit sa mga mamamayang lubhang naapektuhan ng trahedya sa Mindanao.
Sa tala may 50 mga parokya sa Diyosesis ng Legazpi na nagsisilbing gabay sa buhay espiritwal ng may higit sa 1.5-milyong mga Katoliko sa lugar.






