177 total views
Kinondena ng Public Affairs Ministry ng Archdiocese of Manila ang patuloy na nagaganap na extra-judicial killings at vigilantism sa war on drugs ng Duterte administration.
Binigyan diin ni Father Atillano “Nonong” Fajardo – Head ng Public Affairs Ministry ng Archdiocese of Manila na dapat manaig ang due process o proseso ng paglilitis sa ilalim ng batas bilang pagbibigay halaga at paggalang sa dignidad ng isang akusado.
Bukod dito, nagpaabot rin ng panalangin ang pari para sa mga kaluluwa ng mga nasawi at kanilang mga naiwang mahal sa buhay.
“The Public Affairs Ministry of the Archdiocese of Manila denounces all extrajudicial killings happening in the whole country done by men in uniform, by vigilantes, and other groups conducted under the baton of the maestro. We uphold due process of law and the dignity of human life. Let us include in our prayers the souls of all the victims,”pahayag ni Fajardo sa Radio Veritas.
Nasasaad sa Article III Bill of Rights, Section 1 ng Saligang Batas na hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ari-arian ang sinumang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas.
Samantala, ibinunyag ng Philippine Alliance of Human Rights Advocate na mahigit sa 250-indibidwal na napapaslang sa war on drugs taliwas sa datos ng Philippine National Police na mahigit sa 100-kaso lamang ng drug related killings sa bansa ang kanilang naitala.
Matatandaang unang binigyang diin ng Task Force Detainees of the Philippines na ang vigilantism o ang sariling paghahatol at pagpaparusa sa mga lumabag sa batas ay isang banta sa kalayaan at demokrasya ng isang bansa na maaring mauwi sa diktaturya.
Sa record ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) hanggang nitong September ng 2015, nasa 46, 276 ang nakakulong na may kaso may kinalaman sa iligal na droga.