367 total views
Naniniwala si Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona na makakaapekto sa turismo
ng Palawan ang pagputol ng Ipilan Nickel Mining Company sa mga century old trees sa bayan ng Brooke’s Point.
Ayon sa Obispo, bagamat malayo sa mga panguhaning tourist destinations sa probinsya ang Brooke’s Point ay hindi pa rin makatarungan ang ginawang pagputol sa 15,000 mga puno sa lugar na mahigit 100 taon nang nagbibigay silong sa mga hayop at sariwang hangin sa tao.
“Ang Brooke’s Point ay nasa South pero most of the tourists are in the North baka hindi sila aware sa mga pangayayaring ito but nakakalungkot kasi kung hahayaan ko ito, it may also affect the tourism in the place,”
ang pahayag ni Bishop Mesiona.
Iginiit pa ni Bishop Mesiona na sa halip na abusuhin at sirain ay kailangang matutunan ng bawat isa na pahalagahan ang likas na yaman sa probinsya ng Palawan na itinuturing na ‘last frontier’ at hiyas ng Pilipinas.
Pinuri naman ng Simbahan ang tapang at pagkakaisa na ipinamalas ng mga tao sa lugar na nanguna sa pagtutol sa pag-abuso sa kalikasan ng nasabing kompanya.
Sa tala, umabot sa 1.1 milyon ang bilang ng turista na bumisita sa Palawan noong taong 2016 at tinanghal bilang ‘Best Island in the World’ ng Travel and Leisure Magazine sa dalawang magkasunod na taon.
Una nang binigyang-diin ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si na tungkulin ng bawat tao na pangalagaan ang kalikasan nang sa gayon ay maabutan pa ito ng mga susunod na henerasyon.