197 total views
Ikinalungkot ng bagong talagang Obispo ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa ang pagputol sa century old trees sa Brooke’s Point, Palawan. Ayon kay Bishop Socrates Mesiona, itinuturing na last frontier ng Pilipinas ang Palawan kaya mahalagang mapangalagaan at mapreserba ang likas na yaman sa lalawigan.
Iginiit ni Bishop Mesiona na maraming lokal na residente ang umaasa sa mga pinutol na puno sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay dahil ang lugar ay nagsisilbing watershed ng Brooke’s Point.
“Isang malungkot na pangyayari kasi last frontier itong Palawan kaya sana mapangalagaan yung kalikasan, yung mga punong kahoy na century old na,” pahayag ni Bishop Mesiona sa Radio Veritas
Samantala, pinuri ni Bishop Mesiona ang naging tugon ng mamamayan sa walang habas na pamumutol ng puno mining company na Ipilan Nickel Corporation na affiliate company ng Global Ferronickel Holdings Incorporated.
Ayon sa Obispo, maganda ang ipinakikitang pagkakaisa ng mamamayan at lokal na pamahalaan kasama na ang Simbahan sa Palawan upang ipaglaban ang pangangalaga sa kalikasan.
“Mabuti naman at ang mga tao talaga mismo ang lumalaban kasi na realize din nila na talagang mahalaga yun [kalikasan]. Ang instruction ko sa aming Social Action Director ay let’s do whatever we can, para matulungan ang mga tao kasi nakikita natin yung initiative talaga galing sa tao,” dagdag pa ng Obispo.
Sa pagsisiyasat ng lokal na pamahalaan sa Brooke’s Point, tinatayang 15,000 mga puno na nakasasakop ng 10-hektaryang natural forest ang kinalbo ng Ipilan Nickel Corporation kabilang na ang mga century old trees sa kabila ng kanseladong Environmental Clearance Certificate ng kumpanya.
Sa kasalukuyan, naghahanda na ang mga residente ng Brooke’s Point at ang lokal na pamahalaan nito upang papanagutin ang kumpanya ng minahan sa sumira sa kanilang kagubatan.