466 total views
Muling naibalik ang pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos dahil sa pagsang-ayon ng Birheng Maria sa plano Nito.
Ito ang pagninilay ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista–Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Permanent Committee on Public Affairs sa pagdiriwang ng dakilang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Del Pilar sa Our Lady of the Pillar Cathedral Parish o Imus Cathedral.
Ayon kay Bishop Evangelista, dahil sa pagtugon ni Maria sa plano ng Diyos na maging ina ng manunubos, isinilang ang tagapagligtas at muling naibalik ang pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos, na nawala dahil sa kasalanan.
Paliwanag ng Obispo, na dahil kay Jesus na ating tagapagligtas, ang mga makasalanan ay natubos sa kasamaan at naging bagong sambayanan ng Diyos, bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan.
“Sa pamamagitan ng Birheng Maria, Birheng del Pilar, naibalik ang ugnayan ng tao sa Diyos. Sa isinilang n’yang tagapagligtas, tayo’y naging bagong bayan ng Diyos,” pagninilay ni Bishop Evangelista.
Hinikayat din ng Obispo na ang bawat isa nawa’y makapamuhay sa pagmamalasakitan, pagtutulungan at pagmamahalan lalo na ngayong panahon ng krisis pangkalusugan.
“Inaasahan ng Diyos na humirang sa atin, tumawag sa atin para maging bagong bayan Niya na tayo’y mabuhay sa bukluran, mamuhay tayo sa pagmamahalan, pagmamalasakitan. That we live in communion with one another,” ayon sa Obispo.
Tinagurian bilang Nana Pilar, ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Oktubre ang kapistahan ng Mahal na Birheng del Pilar – ang patrona ng Diyosesis ng Imus at buong lalawigan ng Cavite.
Ginawaran ito ng Canonical Coronation noong ika-3 ng Disyembre, taong 2012, sa pangunguna ng noo’y Obispo ng Imus at ngayo’y Prefect for the Congregation of the Evangelization of Peoples Luis Antonio Cardinal Tagle.