211 total views
Hinimok ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang mga naulila ng mga biktima ng extra-judicial killings kasabay na rin ng war against drugs campaign ng pamahalaan na tumindig at ipagpatuloy ang buhay.
Sa homiliya ni Bishop David sa misang isinagawa sa San Ildefonso Parish sa Navotas, sinasabi sa bibliya na ang mga ulila at balo ang itinuturing na pinakadukha na siya ring nagaganap na katotohan sa kasalukuyang panahon.
“Huwag ninyong ituring na biktima ang sarili ninyo. Kaya kayo naririto, kaya kami nakikiisa sa inyo ay upang ipahayag sa inyo na may bukas pa. hindi pa tapos ang buhay para sa inyo. Kaya naririto ang komunidad para akayin kayo, samahan kayo at magpahayag ng anumang malasakit na kailangan upang kayo ay mag-survive,” ayon kay Bishop David.
Ang parokya ng San Ildefonso Parish sa Navotas ay nagsasagawa na ng pakikipag-ugnayan sa mga naulila at balo ng mga pinatay para tulungan sa kanilang paghilom, maging kaakibat sa kanilang kabuhayan at pagpapaaral sa mga naiwang mga anak.
“Sa susunod na tawagin kayo na victims of killings. Sabihin nyo hindi po kami victim, ang kaanak naming pinatay sila ang victim, kami survivor. At iyon ang intensyon namin maging survivor. Oo, parang nahinto ang buhay. Pero hinde, hindi pa tapos ang buhay…magpapatuloy kayo. Kailangan lamang baguhin ang pananaw sa buhay,” dagdag pa ng Obispo.
Sa kasalukuyan ay may anim na pamilya na ang nakiisa sa programa ng simbahan sa San Ildefonso.
Karamihan sa mga napaslang ay pinatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin na pawang mga naka-bonnet.
Kabilang sa anim na biktima ay ang 16-anyos na lalaki na apat na ulit binaril sa harap ng kanilang bahay ng anim na kalalakihan. Tinangka rin ng mga salarin na paslangin ang bagong panganak nitong maybahay.
Nananawagan din ang Obispo sa mga pumapatay na magbago na rn ng pananaw at iwaksi na ang kasamaan sapagkat wala mang nakakita sa kanilang ginawang pagpatay ay kilala sila ng Panginoon.
“Kahit takpan ang mukha kilala kayo ng Diyos. Habag may panahon talikuran ang gawaing masama. Naniniwala kaming walang taong likas na masama,” ayon pa sa obispo.
Una na ring nagpahayag ng pangamba si Bishop David na ibalik sa PNP ang kampanya kontra droga dahil sa dami ng mga napaslang kabilang na dito ang 4,000 napatay sa police operations habang wala pa ring pag-usad sa mga kaso ng mga death under investigation (DUI).
Sa nakalipas na taon nang maglunsad ang mga simbahan sa bansa ng community based drug rehabilitation para tulungan na makapagpanibago ang mga nalulong sa masamang bisyo
Una na ring nag-organisa ang simbahan ng mga community based drug rehabilitation kabilang na dito ang Salubong ng Diocese ng Caloocan; Sanlakbay ng Archdiocese of Manila; HOPE center ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija; ang Labang ng Archdiocese of Cebu at ang Galilee Homes ng Diocese ng Malolos na 27 taon nang nagbibigay ng programa para sa lulong sa masamang bisyo.