1,553 total views
Ang Mabuting Balita, 28 Enero 2024 – Marcos 1: 21-28
UPANG PALAYASIN SILA
Noong panahong iyon, si Jesus at ang mga alagad at nagpunta sa Capernaum. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba. Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal na mula sa Diyos!” Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masasamang espiritu. At sinusunod naman siya!” At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.
————
Isa ito sa mga pagkakataong kinilala ng masamang espiritu si Jesus bilang Banal na mula Diyos. Sa Mateo 8: 28-30, siya ay kinilala ng mga demonyo bilang Anak ng Diyos. Natural lamang na makilala nila si Jesus sapagkat alam nila ang dahilan kung bakit siya isinugo ng Ama sa mundo – UPANG PALAYASIN SILA. Ang pagpapalayas ng demonyo o pagpapalaya ng sangkatauhan sa kasalanan, ay ang misyon ni Kristo.
Kapag tayo ay nalululong – palalim na palalim sa kasalanan, at nahihirapang makawala dito, kailangan nating humingi ng tulong. Kailangan nating pumunta sa ating parokya, at makipag-usap sa kura-paroko na makagagawa ng paraan kung paano tayo matutulungan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan natin ang Simbahan. Hindi tayo makalalaya sa ganitong uri ng kalagayan ng mag-isa. Kaya’t hindi kataka-taka na iniutos ni Kristo kay Pedro na magtayo ng kanyang Simbahan. Ito ay upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mananampalataya.
Panginoong Jesus, nawa’y lagi naming piliin na sumunod sa iyo, upang hindi kami mahawakan ng espiritu ng kadiliman!