196 total views
Walang New People’s Army o NPA sa hanay ng mga magsasakang nag-rally sa Kidapawan City para humingi ng pagkain at bigas sa lokal at national government.
Nilinaw ng presidente ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Region 12 Cotabato na si Lito Roxas, na hindi totoo na may kasangkot na NPA sa kilos protesta at lalong walang katotohanan na mga rebelde ang nasa likod ng madugong enkwentro sa pagitan ng mga magsasaka, mga pulis at militar.
“Ang kilos-protesta namin ay lahat ito ay lihitimong magsasaka. Hindi po totoo na andyan ang mga rebeldeng NPA na naguudyok sa amin para kami pumunta sa kalsada,”paglilinaw ni Roxas sa Radyo Veritas
Iginiit ni Roxas na kahirapan ng buhay at kawalan ng suporta mula sa gobyerno ang nag-udyok at nagtulak sa kanila upang magkaisa na bumaba at ilabas ang kanilang saloobin sa gobyerno ngunit bala ang iginawad ng pamahalaan.
Sa tala ng KMP aabot sa 23 probinsya pa rin sa buong bansa lalo na sa Mindanao ang apektado ng tagtuyot na tatagal pa hanggang buwan ng Agosto.
Kasabay nito, hinikayat ng Kanyang kabanalan Francisco ngayon Abril ang ating mananampalataya na ipagdasal natin ang ating mga kapatid na magsasaka.