8,921 total views
Pinaigting ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants ang Itinerant People (CBCP-ECMI) ang pakikiisa sa mga Overseas Filipino Workers, Filipino Migrants at Seafarers sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga WALL OF HOPE sa ibat-ibang diyosesis sa Pilipinas.
Ito ay mensahe at pakikiisa ng mga Pilipino sa sektor hinggil sa kinakailangang pagkalinga sa mga Pilipinong nasa ibayong dagat at naiwang pamilya sa Pilipinas.
Ayon kay Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, ito ay paalala din sa mahalagang gampanin ng mga Pilipino sa buong mundo na ipalaganap ang pananampalataya kasabay ng paghahanapbuhay para sa pamilya at paglago ng ekonomiya ng bansa.
“Ang mga Pilipino makikita mo sa buong parte ng daigdig kahit sa pinaka-kasuluksulukan, maganda po ito, makikita bakit nga po sila ay Missionaries of Hope at tinutukoy ko dito yung mga Pilipinong Migrante, kahit san po kayo magtanong, lalo na sa bandang West, ang bumubuhay sa mga parokya doon ay mga Pilipino,” mensahe ni Bishop Vergarsa sa Launching ng Wall of Hope sa Diocese of Pasig.
Inaanyayahan ng Obispo ang mga Pilipino na isabuhay ang tema ng National Migrants Sunday na ‘Migrants: Missionaries of Hope’.
“Pag sinabi pong ‘Migrants Missionaries of Hope’ kasama po tayo diyan, sana maging instrumento tayo ng pag-asa sa bawat isa at makita din natin na sila, ang ating mga migrante, ang nagiging instrumento ng pag-asa sa buong mundo at magpasalamat tayo sa diyos dahil ang ating contribution po sa mundo ngayon lalo na ang ating mga migrante ay ang ating pananalig sa Diyos, dahil sa pananampalataya marami ring natatangay o nahahawa at nagkakaroon ng pagpapanibago sa kanilang pananampalataya sa
Panginoong Hesukristo salamat po,” bahagi pa ng mensahe ni Bishop Vergara.
Ang Wall of Hope ay pagpapatibay ng CBCP-ECMI sa pagkalinga sa sektor ng mga Filipino Migrants, OFW at Filipino Seafarers.
Inilunsad ito sa pagdiriwang ng simbahang katolika ng Pilipinas sa 39th National Migrants Sunday bilang pakikiiisa at pagkilala sa sektor.




