Maging mapagmatyag at magtiwala sa proseso kaugnay sa pagdinig ng Kamara sa mga inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang panawagan ni Fr. Joel Saballa-isa sa mga complainant ng ikatlong impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.
Umaasa si Fr. Saballa ng Clergy for Good Governance at mula sa Diocese of Novaliches, na susuriin ng mga mambabatas ang merito at nilalaman ng reklamo.
Hangad din ng mga complainant na humarap at magbigay ng panig si VP Duterte, kaugnay sa kinakaharap nitong reklamo.
“Umaasa ang aming grupo na susuriin nila ang merito at nilalaman ng aming reklamo. Sana ito na ang pagkakataon na marinig natin ang panig ng ating Pangalawang Pangulo, na makapagbigay siya ng pagsagot na naaayon sa batas,” ayon kay Fr. Saballa.
Dagdag pa ng pari, “Nais naming iparating na hindi ito hinihimok ng pulitika kundi isang moral na tungkulin para panagutin ang mga inihalal na opisyal ng gobyerno. Mananatili tayong mapayapa, igalang ang proseso, at huwag hayaan na malinlang tayo ng mga maling impormasyon na maaaring makaligaw ng katotohanan.”
Samantala, kapwa idineklarang ‘sufficient in form’ ang dalawang nalalabing impeachment case na isinampa laban kay VP Sara Duterte. Ang 3rd at 4th impeachment complaint na isinumite nina Fr. Joel Saballa et al at Atty. Nathaniel Cabrera.
Ito ay makaraang walang pagtutol mula sa komite kaugnay sa sufficiency in form.
Inaasahan namang bukas, sa ikalawang araw ng pagdinig ay tatalakayin ng komite kung ang dalawang nalalabing reklamo ay ‘sufficient in substance’.
Sa kasalukuyan, ay dalawang impeachment case na lamang ang dinidinig ng Kamara makaraan na ring bawiin ng mga nagsumite ng 2nd impeachment case o ng Tindig Pilipinas-ang isinampang kaso.
Una ng isinantabi na rin ng House Committee on Justice ang 1st impeachment complaint na isinampa ni dating Rep. France Castro.
Ito ay sa botong 22 pabor sa pagsasantabi at 10 pagtutol, kaugnay na rin sa paglabag sa one-year bar rule.
Nangangahulugan ito na hindi na tatalakayin ang reklamo.
Ang 3rd o ang Saballa et al complaint na binubuo ng civil society at mga lingkod ng simbahan ay bahagi ng impeachment complaint na inaprubahan ng 19th Congress na binubuo ng higit sa 200 mga mambabatas sa Kamara.
Sinabi naman ni House Speaker Faustino Dy III na ang impeachment ay hindi laban sa isang tao, kundi laban sa pangangalaga sa integridad ng mga institusyon at sa pagpapatupad ng batas.
“…impeachment is not personalities. It is about institutions. It is not about taking sides. It is about upholding constitutions,” ayon kay Speaker Dy.
Iginiit naman ni House Committee on Justice, Batangas Rep. Gerville Luistro, na obligasyon ng komite na suriin ang bawat reklamong naihain at hindi ito maaaring balewalain.
Nagbabala rin siya laban sa pagkalat ng fake news, lalo na ang maling pahayag na nagpasya na umano ang Korte Suprema sa merito ng mga naunang reklamo.
“Let us correct firmly and factually. The Supreme Court did not rule on the merits of the allegations. It did not conduct a trial, it did not absolve anyone of wrongdoing,” ayon sa pambungad na mensahe ni Luistro.
Nilinaw ni Luistro, ang naging desisyon ng Korte ay nakatuon lamang sa one-year bar rule at hindi paghusga sa mga paratang.






