11,735 total views
Matagumpay na naidaos ng National Shrine of the Sacred Heart Makati City – Young Adult Ministry ang gift-giving program para sa may 200 kabataang Aeta-Agta ng Barangay Kamias High School, Porac Pampanga.
Ang “outreach program” ay pinangunahan ni National Shrine of the Sacred Heart of Jesus Team Ministry Moderator Fr. Roderick Castro at Team Ministry Member Fr. Roy Bellen kasama ang Archdiocesan Office of Communication, TV Maria, Caritas Manila at Radio Veritas.
Ayon kay Fr.Castro, katulad ni San Ignacio ng Loyola, napakahalaga na magkaroon ng magkasabay na aksyon ng pagtulong sa kapwang higit na nangangailangan at pagpapalalim sa pananampalataya.
Inihayag ni Fr.Castro na layon ng programa na matuto ang youth ministry na magbigay, mag-alaga at mag-aruga sa kapwa.
“Unang una sa lahat, tingin ko naman ay nakamit namin kung ano ‘yung aming layunin. Unang una, makatulong sa kapwa. Iyon naman ang nais sa atin, si San Ignacio ng Loyola, iyan ang sinasabi niya, contemplative in action. Nagdarasal, pero kumikilos din. Si St. Benedict, iyan ang sabi niya, Ora et Labora, magdasal at kumilos din, magtrabaho, kaya iyon ang nais namins sa mga kabataan. Pero ‘yung pangalawang layunin, ‘di lang basta makapagbigay. Alam namin, sa bawat pagbibigay natin, tayo rin, tumatanggap. Sabi nga, walang mayaman na walang kailangan, wala ring mahirap na walang maibibigay, at iyon ay isang napakagandang aral para sa mga kabataan ng parish youth ministry ng National Shrine of the Sacred Heart, ‘yung matuto na magbigay, mag-alaga, at mag-aruga ng ating kapwa tao,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Castro.
Labis ring ikinagalak ni Valean Balbedina – Parish Young Adult Minister Leader ang pagkakataon na makatulong sa komunidad Aeta-agta dahil narin napakalayo ng kanilang tahanan sa kabisera ng Pampanga.
Mensahe ni Balbedina sa mga guro at mag-aaral na ang nakamit nilang biyaya ay kanilang balik handog sa mga katutubong mag-aaral.
“Sobrang grateful po kami kagaya ng binanggit ko po kanina sa mga estudyante po ng Kamias High School, kami po ‘yung may pasalubong, pero kami rin po ‘yung may baon pauwi. Bilib po kami sa kanilang lahat, mga idol namin silang lahat, bilib kami sa kanilang determinasyon na makapag-aral kahit mahirap po ‘yung buhay dito sa bundok,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Balbedina.
Nagpapasalamat din si Febie Ramirez na guro ng paaralan sa pagpapaabot ng Dambana ng tulong para sa pag-aaral mga kabataang Aeta.
Noong November 2023, una ng nagtungo si Fr.Roy Bellen na siya ring Vice President for Operations ng Radio Veritas sa lugar kasama ang iba pang Pari mula sa Archdiocese of Manila at mga kinatawan ng Caritas Manila upang ihatid ang grocery packages, school supplies at desked chair sa mga estudyante ng paaralan at kanilang pamilya.