156 total views
Ang pagiging maayos at tahimik na resulta ng halalan ang dahilan kung bakit lumakas ang ekonomiya ng bansa.
Ito ang inihayag ng Economist at Stock Analyst Astro Del Castillo, managing director ng First Grade Finance kaugnay na rin ng katatapos na May 9, 2016 elections kung saan maraming negosyante rin ang natuwa.
“Lumakas ang merkado pati ang piso sa kadahilanang ang basehan ang peaceful and orderly ang halalan, natuwa kaming mga investors sa mabilis at maayos na result ng eleksyon, natuwa din ang iba na ang kandidatong leading ay ang presumptive President si Mayor Duterte.” pahayag ni Del Castillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, pinabulaanan naman ng ekonomista na ang dahilan naman ng pagbagsak ng piso at ng merkado nitong nagdaang dalawang linggo ay dahil nangunguna sa mga survey si Duterte.
Aniya, bumabagsak din ang piso noon dahil sa paghina ng ekonomiya ng US at ng China at may mga datus na lumabas na nakakaapekto ito sa global economic growth.
“Hindi totoo na ang pagbagsak ng merkado at ibang currencies during that time ay dahil leading sa surveys si Duterte… may mga datus na lumabas na humihina ulit ang ekonomoya ng China at US na nakakaimpluwensiya sa global economic growth so nag-react ng negative ang mga investors. Yung iba nailihis sa rason na yun.” Ayon pa kay Del Castillo.
Samantala, patuloy ding naka-monitor ang business sector sa magiging economic plan ng administrasyon kung saan kanilang pupunahin ito sakaling may pagkakamali silang makita.
“Sa merkado titingnan natin kung ano ang mangyayari, siyempre po naka-monitor kami kung ano ang plano ng susunod na administrasyon ang kanyang economic plan, kung kaya niya itong ipatupad ng maayos.
Inihayag pa ni Del Castillo na gumaganda rin ang lagay ng ekonomiya tuwing election year dahil maraming pera ang legal na lumalabas na ginagastos ng mga kandidato.
“Pag election year gumaganda ang ekonomiya, marami ang economic activities, sa pag-aaral na lumabas may contribution sa GDP sa ekonomiya mga around 1-2 percent growth lalo na ngayon malaking pera. Mga legal na pera na authorized gastusin.” Ayon pa sa ekonomista.
Matataang umangat ng 2.6 percent ang Philippine Stock Exchange Index ng bansa, isang araw matapos ang halalan kung saan nangunguna sa presidentiable si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Bago ang halalan, bumaba ng halos limang porsiyento ang Philippine shares sa nakalipas na anim na linggo habang inaantabayanan ng mga traders ang magiging resulta ng eleksyon.