164 total views
May napili na ang bayan.
Ito ang inihayag ni Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity kayat dapat na ring matapos na rin ang labanan sa pagitan ng mga supporters.
Umaasa din ang Obispo na tulad ng ating ipinakitang pagganap sa halalan ay manatili para bantayan naman ang mga pinangakong binitawan ng mga kandidato sa kanilang kampanya at pagpapatupad nito para sa bayan.
“Sana tapos na yung labanan natin kung sino ang kandidato natin, may napili na yung bayan, at yung napili ng bayan sana kapani-paniwala ay panindigan nila ang kanilang mga pangako at sanayin na yung nation building natin. At hinihiling ko sa ating mga mamamayan yung ating political engagement ay hindi lang during election, even after the election tuloy yung political engagement natin iba na yung engangement natin ngayon na dapat natin tulungan yung mga na-elect at dapat natin bantayan yung mga naboto na sana naman ang pagkilos nila ay para sa kabutihan ng pangkalahatan,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Una na ring tinanggap nina Presidential Candidate Grace Poe at Mar Roxas ang pagkatalo kay incoming Presidente Rodrigo Duterte.
Habang paghihilom naman at pagkakaisa ang panawagan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa bagong mga pinuno ng bansa at umaasang mabibigyan ng tinig ang mga dukha.
Ayon sa pag-aaral ng Social Weather Station sa unang bahagi ng taon, higit sa 50 porsiyento o 11.4 na milyong pamilyang Filipino ang nananatiling naghihirap na siyang hamon ngayon sa administrasyong Duterte.
Ayon pa sa ulat, 11 sa 20 pinakamahihirap na lalawigan ay matatagpuan sa rehiyon ng Mindanao.