150 total views
Kinakailangan nang sumulong ang bansa para sa bagong administrasyon.
Ito ang panawagan ni Caritas Manila Executive Director Rev. Fr. Anton Pascual, kasunod na rin sa pangunguna ni presidential candidate Rodrigo Duterte sa bilangan sa may higit 90 porsiyento ng kabuuang 90 libong clustered precincts.
Ayon kay Fr. Pascual, anuman ang maging resulta ng halalan ay dapat na galangin ang mga mahihirarang na bagong mga pinuno ng bansa.
Sa kabila nito, tiniyak din ng pari na mananatili ang simbahang bilang konsensya ng estado upang matiyak na palaging ang kabutihan ng nakakarami ang mananaig.
Nananatili pa rin aniya ang simbahan na panindigan ang mga adbokasiya ng simbahan para sa kasagraduhan ng buhay, dignidad ng bawat tao, at ang paglaban sa kahirapan.
“Galangin ang hinirang ng nakakarami… as we move forward for new leadership. The church will always be the conscience of the state, because power tends to corrupt,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radyo Veritas.
Si Duterte ay mula sa Mindanao, kung saan 11 sa 20 lalawigan ang kabilang sa mga tinatawag na ‘poor provinces’ sa bansa.
Una na rin nanawagan si Pope Francis sa mga mayayaman at mga nasa kapangyarihan na huwag ipagwalang bahala ang mga dukha.
Ayon sa pag-aaral ng social weather station sa unang bahagi ng taon, higit sa 50 porsiyento o 11.4 na milyong pamilyang Filipino ang nananatiling naghihirap.