10,851 total views
Ginawaran ng pontifical honor ng Kanyang Kabanalan Francisco ang anim na pari ng Diocese of Malolos dahil sa dedikasyon at natatanging paglilingkod sa simbahan.
Ayon sa diyosesis kabilang sa mga itinalagang ‘Chaplain to His Holiness’ na hihiranging monsignor sina Fr. Narciso Sampana, Fr. Domingo Salonga, Fr. Leocadio de Jesus, Fr. Florentino Concepcion, Fr. Javer Joaquin, at Fr. Dario Cabral.
Ito ay pagkilala ng santo papa na iginagawad sa mga diyosesanong pari na nagpapakita ng ‘exceptional service’ at paninindigan sa simbahan.
Bilang mga mosignor ay magiging bahagi ito ng Papal Household bilang pagpapakita ng ugnayan sa Holy See.
“It is an honor given to the presbyterium. It is part of how the Church recognizes its ministers, and at the same time, it is a call to greater service to facilitate the various ministerial activities in our diocese,” bahagi ng pahayag ni Bishop Dennis Villarojo.
Si Fr. Sampana ay kasalukuyang rector at kura paroko ng Diocesan Shrine and Parish of St. Augustine sa Baliwag City, Bulacan; si Fr. Salonga naman ang kura paroko ng Nuestra Señora del Carmen Parish o Barasoain Church sa Malolos; si Fr. de Jesus ang kura paroko ng Sto. Niño Parish, Bustos, Bulacan; Director ng Bahay at Yaman ni San Martin de Porres si Fr. Concepcion; si Fr. Joaquin naman ang rector at kura paroko ng Diocesan Shrine and Parish of Nuestra Señora dela Asuncion, sa Bulakan, Bulacan habang si Fr. Cabral ang rector at kura paroko ng Diocesan Shrine and Parish of San Isidro Labrador, sa Pulilan, Bulacan.
Taong 1961 nang maitatag ang diyosesis at isa sa mga malalaki at makasaysayang diyosesis sa bansa kung saan sakop nito ang buong lalawigan ng Bulacan kabilang na ang Valenzuela City na bahagi ng National Capital Region.