44,542 total views
Opisyal na pinailaw ang christmas tree sa Mandaluyong City Jail – Male Dorm para sa papalapit na pasko ngayong taon.
Isinagawa ang Lighting of Christmas Tree of Hope sa piitan kasabay ng unang araw ng Disyembre, 2023 na muling isinagawa tatlong taon makalipas ang COVID-19 pandemic.
Bago ang naganap ang pagbubukas ng pailaw ay nagkaroon din ng Chorale Competition kung saan nagpaligsaan sa pagkanta ng mga kantang pampasko ang 10 grupo ng mga Persons Deprived of Liberty mula sa Male Dormitory na sinundan naman ng Parade of the Lanterns kung saan ibinida rin ng mga PDLs ang kanilang mga gawang parol mula sa mga recyclable materials na matatagpuan sa piitan.
Ayon kay Mandaluyong City Jail – Welfare and Development Chief Senior Jail Officer 2 Timoteo Martinez, mahalaga ang mga katulad na gawain para sa PDLs upang higit pang malinang ang kanilang kakayahan at mabawasan ang kanilang kalungkutan lalo na sa papalapit na pasko.
“Ito naman pong mga programang ito is ordinary programs ng Mandaluyong City Jail sa ganitong pamamaraan ay nalilinang natin ang kakayanan ng ating mga PDLs, sa ganitong paraan ay malaki ang naibabawas sa kalungkutan sa pangungulungan ng mga Persons Deprived of Liberty.” Ang bahagi ng pahayag ni SJO2 Martinez sa Radyo Veritas.
Inihayag naman ng opisyal ang pagiging bukas ng Mandaluyong City Jail para sa mga nagnanais na magbahagi ng tulong, biyaya at pagkalinga para sa mga Persons Deprived of Liberty sa piitan.
Batay sa tala, may 835 ang bilang ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa Mandaluyong City Jail kung saan 740 sa mga ito ay mga lalake habang 95 naman ang mga babae.
Batay sa panlipunang turo ng Simbahang Katolika ang pagbibilanggo ay hindi lamang para parusahan ang mga taong lumalabag sa batas sa halip ay upang mapaghilom ang pagkasirang tinamo ng mga nagkasala mula sa kanilang nagawang kasalanan.






