Linggo, Marso 30, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,884 total views

Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw
na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)

Josue 5, 9a. 10-12
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

2 Corinto 5, 17-21
Lucas 15, 1-3. 11-32

Fourth Sunday of Lent (Rose or Violet)

UNANG PAGBASA
Josue 5, 9a. 10-12

Pagbasa mula sa aklat ni Josue

Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Josue: “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Samantalang nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico ang mga Israelita, ipinagdiwang nila ang Paskuwa noong hapon ng ikalabing-apat ng unang buwan. Kinaumagahan, araw pa rin ng Paskuwa, kumain sila ng mga pagkaing inani nila sa lupaing yaon: sinangag na trigo at tinapay na walang lebadura. Pagkakain nila ng pagkaing inani sa lupaing iyon, tumigil na ang pag-ulan ng manna. Kaya’t mula nang taong iyon, pagkaing inaani sa Canaan ang kanilang ikinabubuhay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 5, 17-21

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:

Ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na. Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Kristo, ibinilang niya akong kaibigan – di na kaaway – at hinirang niya ako upang panumbalikin sa kanya ang mga tao. Ang ibig kong sabihin, ang tao’y ibinibilang ng Diyos na kanyang kaibigan sa pamamagitan ni Kristo, at nililimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At ipinagkatiwala niya sa akin ang balitang ito.

Kaya’t ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 15, 18

Babalik ako sa ama,
at aamuin ko siya,
sasabihin ko sa kanya:
“Ako po ay nagkasala
sa D’yos at sa ‘yong pagsinta.”

MABUTING BALITA
Lucas 15, 1-3. 11-32

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila: “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito:

“Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa isang mamamayan ng lupain yaon. Siya’y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, ‘Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.” At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama.

“Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayin; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ At sila’y nagsaya.

“Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: ‘Bakit? May ano sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ tugon ng alila. ‘Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya’t lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi nito, ‘Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan.’ Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!’ Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko’y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma

Ipinaaalaala sa atin ng sipi ng Ebanghelyo ngayon ang ating pagiging makasalanan at ang
pagpapatawad ng Diyos. Buong pagtitiwala sa Banal na Awa, idulog natin ang ating mga kahilingan para sa lahat ng mga makasalanan habang nananalangin tayong

Mahabaging Panginoon, dinggin ang aming panalangin!

Para sa Simbahang Katolika: Nawa siya’y laging maging kasangkapan para sa pagbabalik-loob ng mga tao sa sanlibutan. Manalangin tayo!

Para sa mga pinuno nating espirituwal at pulitikal: Nawa magkaroon sila ng kababaang-loob para aminin ang kanilang pagkukulang at ng lakas ng loob para pagbayaran ito sa pamamagitan ng kanilang kapasiyahang itaguyod ang kagalingang panlahat. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng magulang at tagapagturo: Nawa pukawin nila ang kanilang mga anak at tinuturuan sa pamamagitan ng mabuti nilang halimbawa at ipakita sa kanila ang mapagpatawad na pagmamahal ng
Diyos Ama. Manalangin tayo!

Para sa ating kabataan: Matuto nawa sila sa alibughang anak sa talinghaga at huwag nilang lustayin ang mga kaloob sa kanilang kalikasan at biyaya; at sakaling sila’y magkasala, nawa’y huwag silang mag-alinlangan sa dakilang pagmamahal sa kanila ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Matuto nawa tayo sa amang nasa talinghaga upang maingatan nating maging bukas tuwina ang ating mga puso sa pagtanggap at pagtitiwala sa mga dating bilanggo at ibang nagkasalang nagsisikap nang magpanibagong buhay. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng pamilyang hindi nagkakasundo: Nawa’y makatagpo sila ng lunas sa kanilang mga sugat sa pamamagitan ng kapatawaran, pagtuklas sa yamang panloob na taglay ng bawa’t isa, sa kabila ng kanilang nagkakaibang pananaw, manalangin tayo!

Panginoong Diyos, narito kami ngayon sa harap Mo na waring mga alibughang anak na nagkasala sa Iyo nang maraming ulit at sa maraming paraan. Tanggapin Mo kaming muli nang buong pagmamahal at tulutan Mo kaming maging mapagpatawad sa lahat ng nagkasala sa amin. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Hindi lang ‘for the content’

 14,669 total views

 14,669 total views Mga Kapanalig, dahil sa paglaganap ng social media, marami ang naeengganyong maging content creators.  Kung anu-ano na nga ang nilalaman ng mga video

Read More »

DUMARAMI ANG NAGUGUTOM NA PILIPINO

 188,603 total views

 188,603 total views Puro politika…puro grandstanding….political manuevering… political interest…political survival! Kapanalig, ito ang nangingibabaw ngayon na usapin sa bansa. Puro para sa kanila, lahat para sa

Read More »

FAILURE OF LEADERSHIP

 166,236 total views

 166,236 total views political dynasty ay maituturing na “shameful event” sa kasaysayan ng tinatawag na “AUGUST CHAMBER”. Kapag bahagi ka ng AUGUST CHAMBER, maituturing ka dapat

Read More »

Trabaho lang, walang personalan

 229,920 total views

 229,920 total views Mga Kapanalig, naging mainit kamakailan ang mga eksena sa Senado matapos ang tensyon sa pagitan nina Senador Robin Padilla at Senador Francis “Kiko“

Read More »

Serbisyo para kanino?

 248,664 total views

 248,664 total views Mga Kapanalig, si Senador Alan Peter Cayetano na ngayon ang bagong Senate President, kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.  Marami sa mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Mayo 27, 2026

 1,199 total views

 1,199 total views Miyerkules ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Agustin ng Kanterberi, obispo 1 Pedro 1, 18-25 Salmo 147, 12-13.

Read More »

Martes, Mayo 26, 2026

 2,856 total views

 2,856 total views Paggunita kay San Felipe Neri, pari 1 Pedro 1, 10-16 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog

Read More »

Lunes, Mayo 25, 2026

 2,856 total views

 2,856 total views Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan Genesis 3, 9-15. 20 o kaya Mga Gawa 1, 12-14 Salmo 87, 1-2. 3. at

Read More »

Linggo, Mayo 24, 2026

 2,390 total views

 2,390 total views Linggo ng Pentekostes (A) Mga Gawa 2, 1-11 Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34 Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong

Read More »

Sabado, Mayo 23, 2026

 1,639 total views

 1,639 total views Sabado sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 28, 16-20. 30-31 Salmo 10, 4. 5. at 7 Poon, ang mga mabuti

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top