
Homiliya sa Biyernes Santo 2025
Mga kapatid, ngayong hapon ng Biyernes Santo, tahimik tayong nagtitipon sa harap ng isang larawang karumal-dumal, ang imahen ni Hesus na nakabayubay sa krus. At sa kabila ng ating debosyon, minsan tila nalilimutan natin kung gaano karahas at kalupit ang eksenang ito sa tunay na buhay.
May isang aleng nagtanong sa akin noong ako’y kabataan pang pari: “Ano po ba talaga ang suot ni Hesus nang ipinako siya sa krus?” Mayroon daw kasi siyang nakitang krus na naka-suot balabal daw si Hesus na parang kasulya ng pari. Sabi ko, “Malamang ay wala.” Dahil natigilan siya, inulit ko pa na malamang hubo’t hubad siya. Ipinaliwanag ko sa kanya na bahagi talaga ng parusang kamatayan sa krus ng imperyong Romano noon ang pagpapahiya lalo na sa mga rebelde. Na kusang inilalantad pati ang maselang bahagi ng katawan hindi lang para saktan sila, kundi para hamakin nang husto ang anumang natitirang dangal ng kanilang pagkatao.
Pero siguradong itatanong ninyo, “Kung gayon, bakit may nakabalabal na kaunting saplot sa kanyang baywang?
Hindi iyon para sa kanya kundi para sa ating mga tumitingin—para hindi tayo mahiyang tumingin. Ang hiya kasi sa mga sibilisadong tao ay hindi lang sa panig ng ipinahihiya kundi sa panig din ng tumitingin. (Kaya nga si Hesus ay yumuko at nagsulat nang minsang kaladkarin ng mga pariseo sa harapan niya ang babaeng nahuli nila sa pakikiapid.)
Ginagawa din ito ngayon sa AI generated censorship sa social media: pinalalabo (o bina-blur) ang mga maseselang bahagi sa mga eksenang may kahubaran, gayundin ang mga eksenang mararahas.
Kung gayon, kung susundin ang prinsipyo ng censorship, dapat sana ang buong katawan ni Hesus sa krus ay i-blur na rin. Dahil napakatindi ng dating. At sa mga pamantayan ng tao, nakakadiring pagmasdan. Pero mga kapatid, ito na nga mismo ang punto. Hindi dapat palabuin o takpan. Ang krus ay para bang sadyang itinututok sa ating mga pagmumukha, para hindi natin maiwasang titigan ito—para gisingin nito ang ating pagkatao.
Naalala siguro ninyo ang minsan ay naikuwento ko na sa inyo tungkol sa isang pamangkin kong babae, noong mga four-years old pa lang ito at gumawa ng eksena sa loob ng simbahan. Unang beses niyang makita noon ang imahen ni Hesus na nakapako sa krus—hubad, duguan, may koronang tinik, at puno ng sugat. Bigla nag-iiyak ang bata, nag-hysterical, kinulit ang nanay na ibaba daw si Jesus dahil nagdudugo, dalhin daw sa ospital! Tulungan daw siya at kawawa naman. Tuloy lumabas sa kumpisalan ang pari dahil naistorbo. Hindi tumigil ang bata sa pag-iyak hangga’t hindi in-assure ng pari na ipapaospital niya si Jesus.
Iyan ang dalang epekto ng tunay na pagtingin sa krus—hindi art appreciation, kundi pagkabigla, pagkagalit, o pagkahabag.
Naalala ko rin ang maintenance man namin sa dati kong parokya. Sa bawat pasok niya sa simbahan, kapag nag-genuflect sa harap ng tabernakulo, tinatakpan niya ang kanyang mga mata. Tinanong ko siya, “Bakit?” Sagot niya, “Ayokong tingnan si Kristo sa krus. Hindi ko kayang tiisin ang itsura niya. Lagi akong naiiyak.” Hindi siya nasanay.
Iyun na nga marahil ang punto: HINDI TAYO DAPAT MASANAY!
Hindi tayo dapat matulad sa pari o sa Levita sa talinghaga ng Mabuting Samaritano—na dumaan, napasulyap lang nang mabilis, at nagpatuloy agad sa kanilang lakad. Bakit Kaya? Siguro dahil ang sinasakyan nila ay kabayo—mas mataas, mabilis, at diretso ang takbo, hindi puwedeng tumigil hangga’t hindi pine-preno ng pasahero.
Palagay ko dahil donkey o asno ang sakay ng Samaritano—dahil mabagal ang lakad nito at madalas huminto, madaling matawag ang pansin ng mga dinadaanan. Kaya siguro nakita nang mas malapitan ng Samaritano ang biktima. Kaya napukaw ang kanyang damdamin. Nadurog ang puso niya. Napilitan siyang tumulong.
Ganyan din ang layunin ng krus: upang tayo’y matigilan, mapatingin, at masaktan. Sabi sa Kasulatan, “Pagmamasdan ang kanilang sinaksak, at sila’y tatangis para sa kanya…”. Kaya rin maraghil inutusan ng Diyos si Moises na magpulupot ng tansong imahen ng ahas sa poste. Ito’y larawang may kaugnayan sa pagtataas ng Anak ng Tao sa krus. At kung paanong ang pagsulyap sa kasalanan at sa sugat ay maaaring maging daan ng kagalingan—kung pagmamasdan ito ng tao.
Sa ating panahon, sino ba ang gustong tumingin sa mga larawan ng karahasan?
—Sino ba ang mag-eenjoy manood sa video ng mga bangkay ng mga batang Palestino na hinuhukay mula sa guho ng mga pinasabog na tirahan nila sa Gaza?
—Sino ba ang titingin sa mga hostage na binabaril sa ulo ng mga terorista?
—Sino ang mapapatingin sa isang inang nakahandusay sa kabaong ng anak niyang namatay sa lindol?
—Sino ang ibig tumingin sa duguang bangkay ng isang taong nasagasaan sa kalsada? Kaya nga tinatakpan sila ng kumot.
-Sino ang ibig tumingin noong kasagsagan ng drug war sa mga biktima ng EJK na nakabalot ng packaging tape ang tinortyur na katawan at may nakasabit pang karatula sa leeg?
Minsan pinopost pa ito sa social media, katulad ng karumal-dumal na litrato ng hubad na katawan ng negosyanteng Chinese, na nakatali pa ng lubid.
Pero minsan, ang tunay na layunin ng mga larawang ito ay hindi kabastusan, kundi paggising. Paggising sa puso ng lipunan.
Mga kapatid,
Bawat pagtitig natin sa krus ay paanyaya:
“Huwag kang tumingin at magpatuloy lang.”
“Tumingin ka, at hayaang mabasag ang puso mo.”
Dahil bawat sugatang nilapitan mo, bawat biktimang tinulungan mo,
—Siya rin ang unang tumawag sa puso mo para gisingin ang iyong awa.
At sa awa mong ‘yon, naliligtas ang iyong pagkatao.
Ang bawat Simon ng Sirene na napilitang tumulong…
Ang bawat Samaritano na tumigil at nadurog ang puso…
Ang bawat taong napaluha sa paanan ng krus…
—Lahat sila ay tumatanggap ng grasya. Lahat sila ay nakikibahagi sa kasaysayan ng kaligtasan.
Ang krus ay hindi lang simbolo.
Ito ay salamin.
Isang salamin na nagpapakita kung sino tayo, at kung sino tayo tinatawag na maging higit pa sa likas nating pagkatao.
Huwag tayong masanay.
Hayaan nating ang Krus ang gumising sa atin, gumimbal at magligtas sa atin.
Amen.






