141 total views
6th Sunday of Easter Cycle C
Acts 15:1-2.22-29 Rev 21:10-14. 22-23 Jn 14:23-29
“Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot.” Napakasarap pakinggan ang pananalitang ito na galing kay Jesus. Kailangan natin ang assurance na ito kasi napakaraming mga pangyayari na nakababahala at maraming mga bali-balita na nakakagulo. Tuloy pa ang digmaan sa Ukraine at patuloy na pinapatay sa gutom ang higit na isang milyong mga Palestinians sa Gaza. Patuloy na kinukuha ng mga barkong intsik ang mga isla natin sa West Philippine Sea. Katatapos lang ng eleksyon natin, pero patuloy pa ang awayan ng mga politiko at nagbibintangan pa sila. Nakakagulo ang ating panahon at nakakatakot.
Sinabi ni Jesus na huwag tayong mabalisa at huwag tayong matakot kasi kapayapaan ang iiwan niya sa atin. Sinabi niya ito sa Huling Hapunan noong umalis na si Judas upang ipagkanulo siya. Kapayapaan rin ang unang bati niya sa kanyang mga alagad noong siya ay muling nabuhay. Ang kapayapaan na binibigay ni Jesus ay kakaiba sa kapayapaan na binibigay ng salibutan. Kung tatanungin natin ang mga Russians bakit nila dinidigma ang mga Ukrainians, ang sagot nila ay kasi gusto namin ng kapayapaan. Iyan din ang isasagot ng mga Israelis bakit nila ginugutom at patuloy na binobomba ang mga civilians sa Gaza. Naniniwala ang mundo na ang kapayapaan ay matatamo sa pamamagitan ng pagbobomba at pagpatay. Patuloy na gumagawa ng mga baril at mga bomba ang mayayamang bansa para daw sa kapayapaan. Kung mag-iisip lang tayo – paano ba magdadala ng kapayapaan ang gulo at ang digmaan? Ano bang kapayapaan ang gusto nila – kapayapaan ng sementeryo? Iyan ang kapayapaan ng mundo.
Nagdala si Jesus ng kapayapaan noong inalay niya ang kanyang buhay para sa atin. Ang pag-aalay niya ay tanda ng kanyang pagmamahal. Pag-ibig ang magdadala ng kapayapaan. Ang pag-ibig ay napapakita sa pakikipag-usap. Kung may gulo, kung may di pagkakasundo, maaabot ang kapayapaan kung mayroong pag-uusap. Kaya nga ang panawagan sa Ukraine at sa Russia – mag-usap kayo. Ang panawagan sa Israelis at Palestinians, mag-usap kayo. Ganyan din ang panawagan natin sa pamahalaan natin, mag-usap tayo ng China at huwag lang magtawag ng US o ng UK o ng Australia na kampihan tayo.
Ang pag-uusap ay ginawa din ng unang simbahan na narinig natin sa ating unang pagbasa. Nagkaroon ng gulo sa simbahan sa Antioquia ng Siria. Dumami ang mga Kristiyano doon dahil sa pagsisikap ni Bernabe at ni Pablo. Dumating ang ilang mga Kristiyano na galing sa Jerusalem. Nangaral sila na kung hindi daw sila magpatuli ayon sa kautusan ni Moises, hindi sila maliligtas. Ang nakararami na mga Kristiyano sa Antioquia ay hindi mga Hudyo. Sila ay mga Hentil; hindi sila mga tuli. Naniwala sila kay Hesukristo at sila ay bininyagan na. Sabi ng mga galing sa Jerusalem, hindi daw ito sapat. Kailangan muna sila magpatuli para maging Hudyo sila bago sila maging Kristiyano. Sabi ni Pablo at ni Bernabe na hindi ito tama. Tayo ay niligtas ni Jesukristo at hindi ng kautusan ni Moises. Hindi sila nagkasundo sa usaping ito kaya dinala nila ito sa mga leaders doon sa Jerusalem kung nasaan si Pedro at ang iba pang mga apostol. Doon pinag-usapan ito at pagkatapos ng matagal na talakayan, nagbigay ng pasya si Pedro ang leader ng lahat ng Kristiyano at si Santiago, ang leader ng simbahan sa Jerusalem. Ang pasya ay inilagay nila sa isang sulat at pinadala din si Barsabas at si Silas upang magpatotoo sa pasyang ito at magpaliwanag doon.
Sinabi nila na hindi naman opisyal na pinadala ang mga taong galing sa Jerusalem na nanggulo sa Antioquia. Ito na ngayon ang pasya ng mga leaders sa udyok ng Espiritu Santo. Hindi na kailangan na bigyan pa ng ibang pabigat ang mga mananampalataya. Wala ng iba pang requirements para maging Kristiyano maliban sa mahahalagang bagay na noon ay kailangan sa ikapapayapa ng lahat: ang huwag pagkain sa mga inalay sa mga diyos-diyosan, ang huwag pagkain ng dugo at ng karne ng mga hayop na binigti, at huwag makiapid.
Paano nila nilutas ang problema? Pinagmitingan nila. Pinag-usapan. Nagdesisyon pagkatapos ng pagpupulong. Pinaabot ang desisyon ng maliwanag – may nakasulat at may nagpaliwanag pa. Hindi pinag-awayan ang usapin. Hindi nahati ang grupo. Tinanggap nila ang desisyon ng mga leaders. Nanatili ang kapayapaan sa simbahan. Patuloy na ginagabayan ng Espiritu Santo ang simbahan. Makinig lang tayo sa kanya.
Ito po ang sinasabi sa synodality. Ang simbahan ay isang grupo na sama-samang naglalakbay. Sa kanyang paglalakbay nagkakaroon ng mga problema. Ito ay malalampasan kung ang lahat ay handang mag-usap. Magiging mabunga ang pag-uusap kung ang lahat ay nakikinig. Ginagabayan ng Espiritu Santo ang Simbahan kaya kailangan tayong makinig sa pahiwatig ng Espiritu na nagsasalita sa pamamagitan ng maraming paraan. Kaya sa synodality ay dapat tayong makinig hindi lang sa mga leaders kundi pati rin sa mga members, pati rin sa mga kabataan, pati rin nga sa hindi natin kasapi at sa mahihirap. Magkaroon tayo ng kabukasan sa lahat.
Oo, nandiyan na tayo. Kailangan makinig. Pero wala tayong mapapakinggan kung wala namang nagsasalita. Kaya bahagi rin synodality ay magkaroon tayo ng concern at ng tapang na magsalita para sa ikabubuti ng lahat. Sa maraming pagpupulong, pati na sa simbahan, ang marami – at ang lahat pa nga minsan – ay dumadalo sa meeting para lang makita. Kaya nandiyan iyong paanyaya: “Pumunta kayo sa meeting para makinig.” Hindi tayo pumupunta sa pagpupulong para lang makinig. Nandoon tayo para magparticipate, para makiisa. Magsalita kung kailangang magsalita, at makinig kung kailangang makinig.
Sa ating ikalawang pagbasa narinig natin ang pangitain ni Juan. Nakita niya ang bagong lungsod ng Jerusalem na mula sa langit. Ito ay nagniningning ng kaningningan ng Diyos. Ito ay may labing dalawang pintuan kung saan nakasulat ang labing dalawang lipi ng Israel. Ang bagong lungsod na ito ay nakatayo sa labing dalawang pundasyon ng mga apostol. Walang templo sa lungsod na ito kasi nandoon na ang Diyos sa kanila. Ang presensiya ng Diyos ang pinaka-templo nila. Nandoon na ang Diyos sa piling ng kanyang bayan. Hindi ba ito rin ang sinabi ni Jesus? Siya ay mananahan sa atin. Hindi lang siya nasa tabi natin. Siya ay nasa atin. Nananahan siya sa atin. Tumitira siya sa atin.
Talagang ang Diyos ay nananahan sa atin. Tinatanggap natin siya sa Banal na Komunyon. Ang katawan ni Jesus ay pumapasok sa katawan natin. Nananahan din ang Diyos sa atin kung ginagawa natin ang kanyang utos. Dahil sa ang Diyos ay nasa atin, hindi tayo natatakot. Mapaya tayo. Nasa atin yata ang Diyos!