6,685 total views
Pumanaw na sa edad na 86 si Bishop Nestor Cariño, dating secretary-general ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at naglingkod sa hindi bababa sa tatlong diyosesis sa bansa.
Sa pahayag, kinumpirma ng Diyosesis ng Legazpi ang pagpanaw ni Bishop Cariño, na sumakabilang-buhay alas-11:15 ng umaga ng May 24, 2025 matapos ang ilang araw na pananatili sa Intensive Care Unit ng Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
“We commend his soul to the mercy of God and ask the clergy, religious, and lay faithful of the Diocese to pray for the eternal repose of his soul,” ayon sa pahayag ng diyosesis.
Sa kasalukuyan, wala pang tiyak na detalye kaugnay sa burol at libing ng yumaong obispo, ngunit ayon sa diyosesis, nakatakdang ilagak ang kanyang labi sa Saint Gregory the Great Cathedral sa Legazpi City, Albay.
Isinalang si Bishop Cariño noong September 8, 1938 sa Malinao, Albay; naordinahan bilang pari noong December 31, 1961; itinalaga ni Pope Paul VI bilang auxiliary bishop ng Diyosesis ng Legazpi noong March 9, 1978; at inordinahan bilang obispo noong May 31 ng kaparehong taon.
Makalipas ang dalawang taon, August 12, 1980, itinalaga siya ni Pope John Paul II bilang ikaapat na obispo ng Diyosesis ng Borongan, Eastern Samar, at naglingkod hanggang January 31, 1986, nang mahalal na secretary-general ng CBCP.
Taong 2001, habang kasalukuyang naglilingkod sa CBCP, hiniling ng noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin na pangasiwaan ni Bishop Cariño ang Ecclesiastical District of Pasig bago ito opisyal na maging diyosesis noong 2003.
Samantala, muling itinalaga ni Pope John Paul II si Bishop Cariño noong June 11, 2003 bilang auxiliary bishop ng Diyosesis ng Daet, Camarines Norte, at noong April 1, 2005 naman ay hinirang bilang ikalimang obispo ng Diyosesis ng Legazpi.
Tinanggap ni Pope Benedict XVI ang pagreretiro ni Bishop Cariño noong November 7, 2007 sa edad na 69.