22,483 total views
Binigyan diin ng Caritas Manila na bahagi ng pinapaunlad sa mga scholar ng simbahan ang kanilang Knowledge, skills at attitude.
Ito ang inihayag ni Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila kasabay ng taunang paglulunsad ng Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) sa pakikipagtulungan ng Radyo Veritas.
“Kaya po tayo ay namumuhunan – tayo ay nag-i-invest hindi expense para sa pag-aaral. Ito ang pinaka magandang pamana ng ating mga magulang – ng ating simbahan para sa mga susunod [na henerasyon] sinabi ni Jose Rizal na ‘mga pag-asa ng bayan,” ayon kay Fr. Pascual.
Sinabi pa ng pari, naninindigan ang Caritas Manila na ang edukasyon ang ‘best social equalizer’ para kalabanin ang kahirapan.
“Ang kalaban natin ay kahirapan, yan ang ating dapat mapagtagumpayan, kaya’t sa mga nais mag-aral, tayo ay nagbibigay tayo ng oportunidad’ sa aking karanasan sa pagtulong sa kahirapan, hindi naman tamad ang mahirap, ang problema ng mahirap ay wala silang oportunidad.”
Dagdag pa ni Fr. Pascual na sa pamamagitan ng YSLEP ay magkakaroon ang mga kabataan na nais na mag-aral upang ang kanilang mga potensyal, mga kaloob na bigay ng Diyos, at talento ay mapakinabangan ng lahat, gayundin ang kanilang pagtatagumpay sa larangan na kanilang naisin.
Kada taon, umaabot sa limang libo ang mga YSLEP scholar kung saan may isang libong mag-aaral ang nakakapagtapos bawat taon.
Sa nasabing bilang, kinakailangan ng simbahan ng P150 hanggang P200 milyong para pondohan ang kanilang pag-aaral.
Patuloy din ang panawagan ng pari sa publiko na suportahan at makiisa sa taunang telethon ng Caritas Manila at Radyo Veritas, upang patuloy na makatulong sa mga mahihirap ngunit nais na mag-aral na Kabataan, gayundin ang pagpapalawig ng bilang ng mga scholar ng YSLEP.
Ang mga scholar ay hindi lamang mula sa Metro Manila kundi maging mula sa Viasayas at Mindanao at hindi lamang ekslusibo sa mga Katoliko, kundi bukas maging sa mga Muslim.
“Inaabot ng mga 150 to 200 million iyan para matustusan yung 5000. Hindi ganon kadali maglikom ng pondo, kaya nilimit muna natin sa 5000, para matutukan yung quality, hindi lamang yung quantity pero quality ng paghubog sa mga Kabataan,” ayon pa sa pari.
Dagdag pa ni Fr. Pascual na ano mang donasyon kahit gaano ito kaliit ay makakatulong para sa mga estudyante, lalo na ang mga taga-probinsya na nangailangang ng mag-dormitoryo upang may matuluyan malapit sa mga unibersidad.






