18,238 total views
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsasailalim sa lifestyle check sa lahat ng opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ito ay sa gitna ng kontrobersiya sa mga flood control projects sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Ipinag-utos din ni Pangulong Marcos ang patuloy na pagsuri sa mga maanomalyang proyekto ng Department of Public Works and Highways.
Sa ngayon, sinabi ni Castro na patuloy na umuusad ang imbestigasyon sa mga nasayang na proyekto na makatutulong sana sa pagtugon sa problema sa baha.
Nasa 11 proyekto na ayon kay Castro ang personal na ininspeksyon ni Pangulong Marcos, kabilang na ang mga proyekto sa Marikina, Bulacan, Iloilo, at Benguet.
Giit pa ng opisyal ng Malacañan, mula nang ilunsad ni Pangulong Marcos ang Sumbong mo sa Pangulo website noong Agosto 11, nasa 9,020 na reports ang natanggap ng Pangulo.
Patuloy na hinihikayat ng Palasyo ng Malakanyang ang publiko na isumbong ang mga kwestyunableng flood control projects sa kanilang lugar.