7,812 total views
Nananawagan ng panalangin at pag-unawa ang pamunuan ng Nativity of Our Lady College Seminary sa Borongan, Eastern Samar matapos ng insidente na kinasangkutan ng isa sa mga seminarista na nagpamalas ng matinding mental health crisis pasado alas-tres ng madaling araw noong Agosto 27, 2025.
Sa isinapublikong pahayag ng formators ng seminaryo, tinangka ng seminarista na sunugin ang ilang bahagi ng gusali ng seminaryo at nakasakit pa ng ilan sa kanyang kapwa seminarista na dinala at nagpapagaling na sa Eastern Samar Provincial Hospital.
Agad namang nakipag-ugnayan ang pamunuan ng seminaryo sa lokal na pulisya upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.
“On August 27, 2025, at around 3:00 AM, one of our seminarians showed signs of a mental health crisis. He attempted to burn some parts of our building, harassed and even wounded some of his fellow seminarians, who are presently recovering at Eastern Samar Provincial Hospital. We immediately contacted local police authorities to help us respond to the emergency.” Bahagi ng pahayag ng Nativity of Our Lady College Seminary Formators.
Inihayag naman ng pamunuan ng seminaryo ang agad na pagpapasailalim sa nasabing seminarista sa psychiatric care and intervention, habang ang iba pang mga seminarista ay sumailalim din sa psycho-social debriefing upang matulungan silang maproseso ang naganap na insidente.
Samantala, humiling naman ang pamunuan ng seminaryo ng panalangin, pag-unawa at malasakit ng pamayanan para sa paggaling ng mga nasugatan, at para na rin sa seminaristang nakararanas ng matinding pagsubok sa kasalukuyan.
Tiniyak naman ng seminaryo na mananatiling pangunahing layunin nito ang kaligtasan, paggaling, at makataong paghubog sa mga seminarista, at nananawagan ng sama-samang panalangin para sa lakas at paghilom ng buong komunidad.
“Concerned about his welfare and that of his fellow seminarians, we have decided to have him undergo psychiatric intervention and psycho-social debriefing also be given to our seminarians. This was promptly done yesterday. The concerned seminarian is now at a psychiatric facility, and our seminarians had initial psycho-social debriefing yesterday noon.” Dagdag pa ng pamunuan ng seminaryo.
Sa bahagi ng Simbahan, ang kalusugang pangkaisipan ay isa ring mahalagang bahagi ng kabuuang pagkatao na nangangailangan ng kalingang espirituwal at propesyonal upang hindi mapabayan.
Una na ring binigyang diin ni Pope Francis ang pangangailangang samahan at tingnan nang may pagmamalasakit at habag ang mga taong nakararanas ng mental health crisis o suliraning pangkaisipan upang kanilang malagpasan ang kanilang pinagdadaanan.