Lunes, Setyembre 1, 2025

SHARE THE TRUTH

 1,395 total views

Lunes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

1 Tesalonica 4, 13-18
Salmo 95, 1 at 3. 4-5. 11-12. 13

Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.

Lucas 4, 16-30

Monday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)

World Day of Prayer for the Care of Creation

UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 4, 13-18

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid, ibig naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, nang hindi kayo magdalamhati, tulad ng mga taong walang pag-asa. Naniniwala tayong si Hesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Hesus — upang isama sa kanya.

Ito ang aral ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: pagparito ng Panginoon, tayong mga buhay ay hindi maauna sa mga namatay na. Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Kristo. Pagkatapos, tayong mga buhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. Sa gayo’y makakapiling niya tayo magpakailanman. Kaya nga, mag-aliwan kayo sa pamamagitan ng mga aral na ito.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1 at 3. 4-5. 11-12. 13

Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.

Ang Poon ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya’y dapat katakutan.
Ang diyos ng sanlibuta’y pawang mga diyus-diyosan;
ang Poon lang ang may likha ng buong sangkalangitan.

Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.

Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.

Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.

Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,
paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay.

Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.

ALELUYA
Lucas 4, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 4, 16-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, umuwi si Jesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”

Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat, at namangha sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Walang pagsalang babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Doktor, gamutin mo ang iyong sarili!’ Sasabihin din ninyo sa akin, ‘Gawin mo naman sa ‘yong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’” At nagpatuloy ng pagsasalita si Hesus, “Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlong tao’t kalahati at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling.” Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at pinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Tinanggihan si Jesus ng sarili niyang mga kababayan. Tanggapin natin siya nang may pananampalataya at manalangin tayo sa kanyang pangalan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pumarito ka taglay ang aming kaligtasan.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y ipahayag nang may katapangan at isabuhay nang may paninindigan ang Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ni Kristo sa atin, nawa’y mapagtanto ng sandaigdigan ang bukal ng tunay na karunungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga Kristiyanong magulang nawa’y maging matatag sa pagsunod kay Kristo na siyang Daan, Katotohanan, at Buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit na nabibigatan sa buhay nawa’y madama ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaruga at malasakit ng kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y tumanggap ng kaligayahang walang hanggang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, walang sinuman sa amin ang makalalapit kay Kristo kung hindi mo ito ipinagkaloob; gawin mo kaming iisa sa kanya upang makapiling ka namin sa magpasawalang hanggan. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Lights! Camera! Action?

 116,244 total views

 116,244 total views Mga Kapanalig, napunô ng comedy, drama, action, at suspense ang Senado noong isang linggo. Tila eksena sa game show ang pagtakbo ni Senador

Read More »

Ang fourth estate

 240,655 total views

 240,655 total views Mga Kapanalig, may apat na institusyong itinuturing na haligi o pillars of democracy. Kabilang dito ang tatlong sangay ng gobyerno—ang ehekutibo, ang lehislatura,

Read More »

Bantay ng bayan

 280,552 total views

 280,552 total views Mga Kapanalig, dahil na rin sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan noong isinailalim ang Pilipinas sa batas militar o martial law,

Read More »

BAGSAK ANG MAHIHIRAP

 353,987 total views

 353,987 total views Kapanalig, sa mataas na halaga ng mga produktong petrolyo, sino ang pinaka-apektado? Kapanalig, sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Mayo 20, 2026

 8,149 total views

 8,149 total views Miyerkules sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Bernardino ng Siena, pari Mga Gawa 20, 28-38 Salmo 67, 29-30.

Read More »

Martes, Mayo 19, 2026

 8,149 total views

 8,149 total views Martes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 20, 17-27 Salmo 67, 10-11. 20-21 Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay

Read More »

Lunes, Mayo 18, 2026

 8,149 total views

 8,149 total views Lunes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Juan I, papa at martir Mga Gawa 19, 1-8 Salmo 67,

Read More »

Linggo, Mayo 17, 2026

 4,426 total views

 4,426 total views Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat (A) Mga Gawa 1, 1-11 Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9 Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog. Efeso 1,

Read More »

Sabado, Mayo 16, 2026

 4,426 total views

 4,426 total views Sabado sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 18, 23-28 Salmo 46, 2-3. 8-9. 10 Hari ng sangkalupaan D’yos na

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top