19,801 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Kanyang Kabanalan Pope Leo XIV sa mamamayang Pilipino matapos ang malakas na lindol na yumanig sa lalawigan ng Cebu at mga karatig-probinsiya noong gabi ng Setyembre 30, 2025.
Sa mensahe ng Santo Papa sa kanya X account ay ipinahayag ni Pope Leo XIV ang kanyang panalangin para sa mga matinding naapektuhan ng lindol.
Ang pahayag ng Santo Papa ay patuloy na inaasahang makapagdadala ng pag-asa at pagpapalakas ng loob sa mga biktima ng 6.9-magnitude na lindol sa gitna ng patuloy na pagsisikap ng mga mamamayan na muling makabangon matapos ang naganap na sakuna.
“On the evening of Tuesday, 30 September, a strong earthquake struck the central region of the Philippines, particularly the province of Cebu and its neighboring provinces. I express my closeness to the dear Filipino people, and in particular I pray for those who are most severely affected by the consequences of the earthquake.” Bahagi ng mensahe ni Pope Leo XIV.
Binigyang diin din ng Santo Papa na sa harap ng anumang panganib ay dapat na manatiling nagkakaisa at nagtutulungan ang bawat isa, kasabay ng patuloy na pagtitiwala sa Diyos at sa pamamagitan ng Mahal na Inang Maria.
Bahagi rin ng panalangin ni Pope Leo XIV na gitna ng pagbangon ay patuloy na maghari sa puso ng mga Pilipino hindi lamang ng pagkakaisa kundi maging ng kabutihan at matinding pananampalataya sa Diyos.
“Faced with any danger, let us remain united and supportive in our trust in God and in the intercession of our Blessed Mother.” Dagdag pa ni Pope Leo XIV.
Nauna ng ibinahagi ni Cebu Archbishop Alberto Uy ang agad na pagpapaabot ni Pope Leo XIV ng pakikiramay at panalangin para sa mga biktima ng 6.9-magnitude na lindol sa lalawigan ng Cebu sa pamamagitan ng personal na pagtawag ni Papal Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles Brown na iparating ang taos-pusong pakikiramay ng Santo Papa sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at sa lahat ng patuloy na humaharap sa hirap na dulot ng naganap na sakuna.
Matatandaang naging malapit sa puso ni Pope Leo XIV ang Pilipinas lalo na ang Cebu matapos na makailang beses na makabisita sa lalawigan noong 2004 at 2010 bilang noo’y Prior General ng Order of Saint Augustine, sa Augustinian Province of Santo Niño de Cebu.
Samantala patuloy din ang panawagan ng Simbahang Katolika sa Pilipinas, sa pangunguna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa sabayang panalangin at pagtulong sa mga apektadong mamamayan.






