15,562 total views
Ipinapanalangin ng Archdiocese of Palo at Diocese of Borongan ang patuloy na paggabay ng Mahal na Birheng Maria sa mga Pilipino tungo sa kaligtasan laban sa anumang sakuna.
Hiniling ni Borongan Bishop Crispin Varquez at Father James Abella, social action center director ng Diocese of Borongan sa mahal na Ina na iligtas ang mamamayan sa pananalasa ng anumang kalamidad sa paggunita ng ika-12 taong anibersaryo ng super typhoon Yolanda.
Ipinagdarasal din ng dalawang opisyal ng simbahan ang kaluluwa ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Yolanda sa Eastern Samar at iba pang lugar na hinagupit ng pinakamalakas na bagyo na tumama sa bansa.
Ipinanalangin din ng Diyosesis ng Borongon ang ikakabuti ng mga lugar na labis na naapektuhan ng Bagyong Tino sa Suluan Island, Homonhon Island, Cebu, San Carlos, at Dumaguete at ang lahat ng nakaranas ng pinsala dulot ng bagyo.
“We also remember the many places heavily affected by the recent Typhoon Tino — Suluan Island, Homonhon Island, Cebu, San Carlos, and Dumaguete — and all those who suffered the effects of Typhoon Tino. In their trials, we witnessed faith, solidarity, and communal care. May their healing be strengthened by wiser land use, robust disaster preparedness, and faithful stewardship of our natural resources. Let Yolanda’s memory inspire us to turn sorrow into action: reduce risk, restore what is damaged, and ensure that none faces such storms alone,” ayon sa mensaheng pinadala ni Bishop Varquez sa Radyo Veritas.
Sa paggunita ng ika-12 taong anibersaryo ng bagyong Yolanda, Ipinagdarasal naman ng Archdiocese of Palo na isa sa mga lugar na matinding napinsala ng bagyong Yolanda ang kahandaan ng mga mamamayan sa pagharap sa anumang sakunang darating.
Ipinaalala ng Arkidiyosesis sa mamamayan na laging manalangin at hingin ang paggabay ng birheng Maria para sa pagkakaisa at pagtutulungan sa panahon ng sakuna.
“As we commemorate the onset of Super Typhoon Yolanda, let us continue to turn to our Mother, offer prayers for the good of all and for the eternal repose of those who have perished, and be strengthened in hope — for she is with us through every sorrow and every joy, guiding us toward healing, peace, and renewal.” bahagi naman ng mensahe ng Archdiocese of Palo.
Umaasa ang Archdiocese of Palo at Diocese of Borongan na ang matinding pinsalang iniwan ng bagyong Yolanda sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan ay maging inspirasyon upang magkaisa ang bawat isa sa paghahanda at paglikha ng mga aksyon para sa kaligtasan ng pamayanan.
Sa datos ng pamahalaan, umaabot sa 5,800 ang mga namatay sa pananalasa ng bagyong Yolanda na sa Eastern Samar, Western Samar, Leyte at Panay island.
Sa kasalukuyan ay apektado ang Eastern Samar sa hagupit ng bagyong Uwann a itinuturing ng PAG-ASA na mas malakas pa sa bagyong Yolanda.
Pinaigting naman ng Social Action Center ng Diocese of San Jose, Nueva Ecija, Apostolic Vicariate of Tabuk, Archdiocese of Nueve Segovia at Diocese of Gumaca, Diocese of Libmanan ang paghahanda at pagtugon sa pangangailangan ng mga residenteng maapektuhan sa pananalasa ng bagyong Uwan.
Naghahanda na rin ang Caritas Manila ang social arm ng Archdiocese of Manila sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga masasalanta ng bagyo.




