1,656 total views
Mga Kapanalig, nakapangingilabot ang kinahinatnan ng maraming lugar sa probinsya ng Cebu matapos dumaan doon ang Bagyong Tino.
Mistulang binura sa mapa ang mga komunidad, lalo na ang mga nasa paligid ng mga daluyan ng tubig. Bubong na lamang ng mga bahay ang nakalitaw sa mga binahang lugar. Patung-patong ang mga sasakyan matapos tangayin ng rumaragasang tubig-baha. Nabalot sa makapal na putik ang mga kalsada. Ang probinsya ng Cebu nga ang nakapagtalâ ng pinakamaraming casualties; hindi bababa sa 135 ang namatay doon. Marami ang mga nasaktan at ang mga hindi pa rin matagpuan.
Ayon sa PAG-ASA, ang dami ng ulan na bumuhos sa Cebu sa isang araw ay katumbas ng tubig-ulan sa probinsya sa loob ng isa’t kalahating buwan. Ganoon po karami! Itinuturing ngang “extreme rainfall event” ang nangyari sa Cebu na tipikal na nauulit kada 20 taon. Dahil sa climate change, asahan na nating mas magiging madalas ang mga ganitong maladelubyong pag-ulan. Hindi nakatutulong na hindi handa ang ating mga imprastraktura para bawasan ang posibilidad ng pagbaha. At bakit hindi handa ang mga ito? Nauna na kasing umagos ang pera sa bulsa ng mga kurakot sa halip na ipampatayo ng matitibay at gumaganang flood control projects.
Pero hindi lamang flood control projects gaya ng mga dam at dike ang solusyon sa malawakang pagbaha. Maliban sa magastos ang mga ito, madaling samantalahin ng mga tiwali ang mga ganitong proyekto. Kitang-kita ito sa mga ginawa ng ilang taga-DPWH at ng kanilang mga kasabwat na pulitiko.
Para kay UP Resilience Institute at NOAH Center executive director Mahar Lagmay, malaki ang maitutulong ng pagpapanumbalik ng mga kagubatan. Sa probinsya nga ng Cebu, mahigit 10,000 na ektarya ng kagubatan ang nawala sa huling dalawampung taon. Bakit? Dahil sa malawakang deforestation o pagpuputol ng mga puno. Kinakalbo ang mga gubat para sa quarrying o pagmimina ng bato at graba at para sa pagtatayo ng mga kabahayan o urban expansion. Humigit-kumulang 19,000 na ektarya ng kalupaan ng Cebu—na dati ay balót ng mga puno—ay quarrying sites na ngayon.
Kung walang mga punong sisipsip ng tubig-ulan, magiging mas grabe ang pagbaha. Kung walang mga punong kumakapit sa lupa, mas madaling guguho ang lupa. Kung kalbo na ang mga kagubatan, mabilis na babagsak ang tubig-ulan sa mga ilog at komunidad. Kaya naman, pinaiimbestigahan na ng Palasyo sa Department of Environment and Natural Resources (o DENR) kung ang malawakang pagkasira ng kagubatan ang sanhi ng matinding pagbaha sa Cebu.
Pero hindi kaya dapat DENR din ang imbestigahan dahil nakalusot dito—o pinalusot nito—ang mga proyektong nakapamiminsala sa kagubatan? Ang sinumang magpapatayo ng gusali o magsisimula ng isang proyekto o negosyo ay kailangang kumuha muna ng Environmental Compliance Certificate (o ECC) sa DENR. Ito kasi ang magiging batayan kung paano iiwasang masira ang kalikasan pati na rin ang mga negatibong epekto sa mga nakapaligid. Binigyan ba ng ECC ang mga gawaing kinailangang magputol ng mga puno? Binantayan ba ng DENR ang mga proyektong ito? Tiniyak din ba ng kagawaran na mananatiling malusog ang mga kagubatan? Silipin din dapat ang DENR.
Mga Kapanalig, malaking kasalanan sa Diyos ang pagsira sa kalikasan, kabilang ang pagpuputol ng mga puno at pagkalbo sa kagubatan. Hindi lamang ang kalikasan ang napipinsala; nakokompromiso rin ang buhay at dignidad ng tao. Kitang-kita natin ito sa iniwang pinsala ng Bagyong Tino sa Cebu—at ng iba pang dumaang bagyo sa ating bansa. Tungkulin ng DENR na nasa maayos na kalagayan ang ating mga kagubatan. Kung gagamitin nga natin ang mga salita sa Roma 13:4, ang mga nasa gobyerno ay “mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti [natin].”
Sumainyo ang katotohanan.




