12,664 total views
Inihayag ni Msgr. Anthony Figueiredo, Director of International Affairs and Custodian of the Pericardium Relic of St. Carlo Acutis for the Diocese of Assisi, ang mensahe ng pag-asa at pananampalataya kaugnay sa pagbisita ng first class relic ng batang santo sa Pilipinas.
Ibinihagi ni Msgr. Figueiredo ang naging pagninilay ni Pope Leo XIV sa canonization ni St. Carlo Acutis, na ang buhay ng batang santo ay paanyaya lalo na sa kabataan na huwag sayangin ang buhay, kundi gawing makabuluhan sa pamamagitan ng pamumuhay na nakatuon kay Hesukristo.
Binigyang-diin ng monsignor na ang naging daan ni San Carlo tungo sa kabanalan ay ang palagiang paglapit at pagkapit kay Hesus, na itinuring niyang puso at sentro ng kanyang buhay.
“Saint Carlos Acutis is an invitation, not to waste life but to make of life a masterpiece,= and the secret is what Carlo teaches us. Carlo says always to be united to Jesus and that became the heart of his life,” pahayag ni Msgr. Figueiredo mula sa panayam ng Radyo Veritas.
Ipinaliwanag din ni Msgr. Figueredo na ang “Coure A Cuore” o “Heart to Heart”, tema ng pagdalaw ng pilgrim relics ni San Carlo, ay paanyaya sa mga mananampalataya na bumuo ng sariling “spiritual pericardium.”
Ayon sa monsignor, ang pericardium relic, ang lamad na bumabalot sa puso, ay sumasagisag sa kabanalan ng buhay ni San Carlo na nakaugat sa limang haligi ng pananampalatayang kanyang isinabuhay at itinuro—ang pagdalo sa Misa, pagpaparangal sa Kabanal-banalang Sakramento, pangungumpisal, debosyon sa Mahal na Birheng Maria at mga Santo, at pagkakawanggawa.
Iginiit din ni Msgr. Figueiredo ang paalala ni San Carlo na ang mundo ay nangangailangan ng mga banal dahil sila ang nagbibigay-pag-asa sa gitna ng kaguluhan, karahasan, digmaan, at iba’t ibang pagsubok tulad ng mga kalamidad at katiwaliang nararanasan sa Pilipinas.
“We need saints because saints change the world. They are a word of hope. And so often it seems we live in a hopeless world. So many problems, violence, wars, difficulties, even the Philippines, you’ve suffered from natural calamities, political corruption—and Carlo is a sign that goodness exists,” ayon kay Msgr. Figueiredo.
Sa pagbisita ng pericardium relic sa bansa, umaasa ang monsignor na mas marami pang Pilipino ang mahikayat na sundan ang landas ng kabanalan ni San Carlo, na tinaguriang millennial saint at saint of the digital age.
Dumating sa Pilipinas ang first class relic noong November 27 mula sa Diocese of Assisi, Italy, at nakatakdang libutin ang 19 arkidiyosesis at diyosesis sa Luzon hanggang December 15, 2025.
“This is what we bring in this pilgrimage. Miracles are possible through Saint Carlo Acutis. He’s working for us in heaven. Do not put limits on what Saint Carlo wants to do for us through Jesus in heaven,” saad ni Msgr. Figueiredo.




