6,679 total views

Homiliya para sa Ikaapat na Araw ng Simbang Gabi, 20 Disyembre 2025, Luk 1:26-38
AT NILISAN SIYA NG ANGHEL. Ito ang dulo ng kuwentong binasa natin kay San Lukas. Ibig sabihin, iniwan siya. Kung huhugutin natin mula sa konteksto ng kuwento ang linyang ito, parang inabandona siya. Pero dito, ang ibig sabihin—Mission Accomplished, pwede nang umalis ang anghel.
Alam ko na kapag Simbang Gabi kay Mama Mary ang tutok ng ating pansin. Pero para sa pagninilay natin sa homiliyang ito, suggestion ko, si Angel Gabriel muna ang tutukan natin ng pansin. Sa totoo lang, di hamak na mas mahaba pa ang papel ng anghel at ang mga linyang binigkas niya kesa sa kay Mama Mary sa kuwento. May limang parte ang paglalarawan ni San Lukas sa papel na ginampanan ng anghel: Una, ang pagdating niya; pangalawa, ang pagbati niya; pangatlo, ang pahayag niya; pang-apat, ang paliwanag niya; at panlima, ang pag-alis niya. Kinumpara ko ang dialogue lines ng dalawang karakter: mas maraming pang sinabi ang anghel kesa kay Mama Mary. Kay Mama Mary, dalawang linya sa simula, isa sa gitna, at dalawa sa dulo: total—limang pangungusap. Kay Gabriel—dalawa sa simula, anim sa gitna, at anim sa bandang dulo. Wow. Mas madaldal pa ang anghel kesa kay Mama Mary!
Una, ang pagbati niya, na memorized natin sa Hail Mary. Ewan ko ba kung bakit isinalin na Aba! ang Ave! na ang ibig sabihin lang ay Hello! Pag binati ka ng Aba, kakabahan ka talaga. Lalo na kapag inulit nang tatlong beses—Halimbawa, “Aba, aba, aba mga Congressmen, umayos kayo diyan!” Delikado ang ganyang pagbati. Ave na lang.
Pero ang mas importante ay ang sadya niya—para ipahayag sa dalaga na may misyon na ibig ipagawa ang Diyos sa kanya. Ano iyun? At bago iyon, sinabihan muna siya na huwag matakot. Kasi kapag naunahan nga naman tayo ng takot, mahihirapan na tayong makinig. Kaya ang kasunod ng “Huwag matakot” ay “Makinig ka.” Di ba ang yumaong si Pope Francis madalas niyang sinasabi noon na ang pinakamahalagang sangkap ng “conversation in the Spirit” ay pakikinig? Wala naman talagang patutunguhan ang pag-uusap kapag lahat gustong magsalita, at habang nagsasalita ang iba, iniisip na agad ang isasagot. Ganyan ang nangyayari kapag naunahan tayo ng ating mga takot at pangamba—para tayong nabibingi, katulad ni Zacarias. Sa panalangin, marami tayong gustong sabihin sa Diyos, pero nakikinig ba tayo para makuha naman natin ang gustong sabihin ng Diyos?
Tingnan natin ngayon ang pahayag ng anghel, matapos sigurong maramdaman na ready na si Mama Mary na makinig. Ang summary ay “May misyon para sa iyo ang Panginoon, Maria.” Iyun ay ang maging Ina ng Anak niya na kikilalanin daw bilang Anak ni David, ang lahing pinagmulan ni Joseph. Matagal nang bumagsak ang lahi ni David mula noong sakupin ang Judah ng Babylonian empire. Kaya si Joseph, na apo ng mga apo sa talampakan ni King David, karpintero ang kabuhayan. Pero alam ng mga Hudyo na pinangakuan ng Diyos si David na ang dynasty niya ay mananatili magpasawalang-hanggan. (Siguro ito ang pangarap ng mga political dynasty sa Pilipinas.). Sa tingin ng mga Hudyo, inabandona na sila ng Diyos kaya sila nasakop, napadpad sa iba’t ibang sulok ng mundo bilang mga dayuhan. Pero, parte lang pala iyon ng plano ng Diyos: upang ang kaligtasan ay makaabot sa buong sangkatauhan.
Siyempre, maguguluhan si Mama Mary kaya ang tanong niya ay “Paano ito mangyayari? Para kasing imposible.” Kaya anim na linya ang bibigkasin ng anghel para paliwanagan siya. At ang summary ng mensahe niya ay—“Ang Diyos na ang bahala, walang imposible sa kanya, mag-cooperate ka lang.” At meron siyang ibinigay na palatandaan: ang naunang pagbubuntis ng pinsan niya.
Ang husay magkuwento ni San Lukas, meron na siyang “Abangan ang susunod na kabanata—ang Visitation.” At noon niya biglang tatapusin ang kuwento: “At iniwan siyang ng anghel.” Hindi ito kapareho ng kuwento ni San Juan sa Last supper—na sa dulo sinasabi ng manunulat, “At umalis si Judas.” Inabandona ang grupo para ibenta ang kaibigan. May ganyang nang-iiwan, lalo na ang mga taksil. Dito, iniwan si Mama Mary ng anghel dahil, nasungkit na niya ang matamis na Oo ng dalaga. Ibig sabihin, pwede na siyang umalis dahil nagawa na niya ang trabaho niya.
Ang “mission impossible” naging “mission accomplished”.
Sigurado ako nakaka-relate kayo dito. Ilang beses na ba nangyari na ang isang bagay na akala nyo ay imposible ay pwede palang mangyari? Ganyan ang nangyari sa bayan natin noong 1986. Ganyan ulit ang nangyayari sa bayan natin ngayon.
Ang daming nagreact sa dulo ng homily ko noong nakaraang Huwebes: nang sabihin kong “Hilingin natin ang magkasamang biyaya ng tapang at hinahon…”. Paano daw ba pwedeng manatiling mahinahon e ninanakawan na nga tayo at niloloko? Pinapakalma ko lang daw ang mga tao para tanggapin na lang lahat. Ay hindi po. Tandaan: pinakalma rin muna ni Gabriel si Mama Mary para mapalitan ang takot ng dalaga ng tapang at lakas ng loob.
Pag sinabi mong “hopeless” na tayo o wala nang pag-asa na mabigyang katapusan ang korapsyon sa pamahalaan—para mo ring sinabing imposible na aayos pa tayo. Hmm—sabi nga ng anghel: “Ay, huwag matakot. MAKINIG KA.”
Huwag mo namang i-limit ang imahinasyon mo. Walang imposible kung makikinig ka at makikiisa sa ibig mangyari ng Diyos para sa bayan natin. Sa kasalukuyan, palagay ko, abalang-abala sa atin ang anghel. Ipagdasal natin na dumating na ang panahon na iwan na niya tayo, kapag nakuha na niya ang ating sagot sa imbitasyon na makiisa tayo sa misyon—na gawing posible ang akala natin ay imposible: may pag-asa pa ang bayan natin.




