322 total views
AVT Liham Pastoral: Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo
Wika ng Panginoong Jesus: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaan na ibinigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag kayong matakot.” (Juan 14:27)
Mga kapatid ko sa Bikaryato ng Taytay,
Ang kapayapaan ng Panginoong Jesus ay sumainyo.
Kapayapaan ang pinag-uusapan ngayon sa buong mundo. Ang hangarin ng mga tao ay kapayapaan. Ito rin ang ating inaasahan sa mga negosasyon ngayon sa mga bansa. Pero anong klaseng kapayapaan? Naririnig natin ang sinasabi ng mga leaders ng mundo na ang kapayapaan ay resulta ng lakas at ng dahas. “Dudurugin natin sila para sila ay ang mapilitan na humingi ng kapayapaan.” Oo, maaaring magdala ng pansamantalang katahimikan at tigil putukan ang pagdurog sa iba, pero hindi ito magdadala ng tunay at pangmatagalan na kapayapaan. Ang panlabas na katahimikan na maaaring magresulta dito ay kumukubli lamang ng panloob na galit at pagngingitngit na sisiklab uli sa panahong hindi inaasahan.
Mga kapatid, huwag po tayong maniwala na ang kapayapaan ay madadala ng lakas at ng dahas. Ang kapayapaan ay matatagpuan lamang sa pag-uusap na may tiwala at paggalang sa isa’t-isa. Kaya sa pagbigay ni Jesus ng kanyang kapayapaan, idinugtong niya: “Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot.” Kung may paghihinala, kung walang tiwala, mayroong takot.
Tama ang panawagan ng ating Santo Papa Leon na mag-usap sa halip na magbombahan. Ngayon nagsisikap na mag-usap ang mga dating nagbobombahan kasi nakita nila na ang mga malalaki at mamahaling mga bomba na pinasabog nila sa kaaway ay hindi naman nagdala ng hinahangad na kapayapaan at kaayusan. Mas lalo pa nga gumulo ang mundo. Bakit pa ba kailangan na dumaan sa higit na isang buwan ng pagbobomba bago matuto na hindi naman ito nagdadala ng tagumpay? Kung noon pa ipinagpatuloy ang pag-uusap nila kasi nag-uusap na sila noon, sa halip magpadala ng bomba, hindi na sana gugulo ang mundo na nararanasan natin ngayon. Sa lahat ng labanan sa buong mundo hindi naman ang bomba o ang sandata ang nagdala ng kapayapaan kundi ang negosasyon.
Makiisa po tayo sa ating Santo Papa na manawagan ng kapayapaan kasi ito ay mensahe ni Jesus, pero kapayapaan na naggaling sa pag-uusap at paggalang sa kapwa tao. Huwag nating hayaan na ang tinig ng kapayapaan ay malunod ng mga pagsabog ng mga bomba. Huwag tayong matakot at huwag tayong tumigil na sabihin ang bati ni Jesus na ating Panginoon: “Ang kapayapaan ay sumainyo.” (Juan 20:19)
Hindi tayo maaaring manatiling manhid sa harap ng mga digmaan sa iba’t ibang dako ng mundo. Bagama’t ang mga labanan ay libu-libong kilometro ang layo mula sa ating mga dalampasigan, ang epekto nito ay nararamdaman nating lahat. At sa digmaan, walang nananalo, kundi lahat ay talunan. Ang pagkatalo ay hindi lamang ng mga bansa naglalabanan, kundi ng buong sangkatauhan. Nararanasan na natin ito ngayon sa pagtataas ng mga presyo ng pamasahe at ng mga bilihin. Pinahihirapan ang buhay natin ng anumang digmaan sa saanmang panig ng daigdig.
Bahagi ng ating panawagan at hangarin sa kapayapaan ay ang pagdarasal para sa kapayapaan. Nawa’y hipuin ng Espiritu Santo ang puso ng mga pinuno ng mga bansa upang piliin nila ang landas ng negosasyon kaysa sa dahas. Maniwala tayo na may kapangyarihan ang panalangin. Makalangit ang kapangyarihang ito, at ito ay mabisa. Magrosaryo tayo! Tumawag tayo sa Mahal na Inang Maria na siyang Reyna ng Kapayapaan. Sa ating mga pamilya, sa ating mga Kriska o Munting Sambayanang mga Kristiyano, sa ating mga simbahan, hayaan nating umalingawngaw ang pananambitan para sa kapayapaan. Maniwala tayo sa sinabi ni Jesus: “Mapalad ang gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila ay ituturing na mga anak ng Diyos.” (Mateo 5:9) Ang ating patuloy na panawagan at pahayag na itigil na ang digmaan, ang ating pagtanggi sa pag-iisip na ang lakas at dahas ay nagdadala ng kapayapaan, at ang ating patuloy na pagdarasal, ay mga pamamaraan upang magkaroon ng kapayapaan sa mundo.
Ang kasama ninyong naghahangad ng kapayapaan,
Obispo Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato ng Taytay
Ika-21 ng Abril taong 2026.






