7,747 total views
Homiliya para sa Miyerkoles sa Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay, 29 Abril 2026, Juan 12:44-50
“Ang naniniwala sa akin ay naniniwala sa nagsugo sa akin. Ang nakakikita sa akin ay nakakikita rin sa nagsugo sa akin.” (Jn 12:44)
Matagal ko nang ipinagtataka kung bakit dito lang sa ebanghelyo ni San Juan parang kakaiba kung magsalita si Jesus. Kina San Markos, Mateo at Lukas, madalang tayong makarinig ng mga sitwasyon na hayagang nagpapakilala si Jesus bilang Kristo o Mesiyas, o Hinirang na kumakatawan sa Diyos, o bilang Anak ng Diyos na kumakatawan sa Diyos Ama.
“Messianic secret” and tawag ng mga bible scholars sa pag-iwas na ito ni Jesus sa mga nag-uugnay sa kanya sa Mesiyas, lalo na sa ebanghelyo ni San Markos. Doon nga kay San Markos, mga dimonyo lang ang tumutukoy sa kanya nang ganito at hayagan at pinatatahimik sila ni Jesus.
Kay San Juan—hayagang sinasabi ni Jesus na siya ang Tinapay ng Buhay, ang Ilaw ng Mundo, ang Mabuting Pastol, ang Pintuan, ang Daan, Katotohanan at Buhay, Ang Muling Pagkabuhay, at ang Puno ng Ubas. Hayagan din niyang sinasabi na siya ay Anak ng Diyos.
Kay Jesus ba talaga nagmula ang mga salitang ito, o sa manunulat ng ebanghelyo? Sinabi ba talaga ni Jesus ang mga ito, o ito ba’y mga pahayag ng pananampalataya ng ebanghelistang si San Juan tungkol kay Jesus, pero inilagay niya sa bibig mismo ni Jesus?
Importanteng itanong ito dahil alam nating marami nang mga lider ng mga kulto na nagsulputan sa nakaraan, at maging sa kasalukuyan na gumagaya sa kanitong uri nga pagsasalita. Na sila daw mismo ang “Appointed Son of God”, “Owner of the Universe”, “Savior of the Gentiles”, “The Final Revealer.” Delikado talaga kapag gumaya ang mga hibang at ilusyonado sa ganitong klase ng pagsasalita. Yung iba gumagawa pa ng poster ng sarili nila sa social media na kahawig ni Jesus. Divine Healer daw sila.
Ang pagbasa natin sa ebanghelyo sa araw na ito, lalo na ang v. 44 ng John chapter 12 ang nagpalinaw nito sa akin. Shaliah—ito ang salitang Hebreo para sa konsepto ng kaugnayan at pagkakaisa ng isinugo sa nagsugo sa kanya. Kung tutuusin, naroon din ang konseptong ito kina San Mateo at San Lukas. Sa Mat 10:40, sabi ni Jesus, “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap din sa akin; at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa nagsugo sa akin.” Ganyan din sa Lukas 10:16, “Ang makinig sa inyo ay nakikinig din sa akin; ang magtakwil sa akin ay nagtatakwil din sa nagsugo sa akin.”
Sa tingin ko, ito ang nagpalakas ng loob kay Juan para magsalita rin sa ngalan ng nagsugo sa kanya bilang apostol. “Kung si Jesus ay kinatawan ng Ama na nagsugo sa kanya, ako rin ay kinatawan ni Jesus na nagsugo sa akin.” Totoo naman na ang misyon ng mga alagad at misyon ng Kristong nagsugo sa kanila ay iisa. Magagawa daw ng sugo ang lahat ng gawain ng nagsugo sa kanya, pero lahat magagawa lang niya SA NGALAN NIYA.
May ipinapalagay si San Juan sa pangungusap na ito: ang “communion”, o pagkakabuklod ng puso at diwa ng sugo at nagsusugo sa bisa ng kaloob niyang Espiritu Santo. Kaya napakahalaga ng pagkilatis kung Espiritu Santo ba o masamang espiritu ang kumikilos sa ibang mga taong gumagamit din sa Ngalan ni Kristo at nagpapakilala bilang kanyang mga kinatawan.
Katulad ng nangyayari ngayon sa America: iisa lang naman ang Kristong sinasampalatayanan ng mga Kristiyano, pero magkasalungat sila ng sinasabi sa usapin ng pulitika, giyera, karahasan at pagtrato sa mga dayuhan. Kahit si Jesus sinabi niya: “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, Panginoon, Panginoon! ay makapapasok sa kaharian ng Diyos.”
Inihalintulad niya ang dalawang tipo ng mga alagad na gumagamit ng kanyang pangalan sa dalawang tipo ng nagtatayo ng bahay: ang isa ay nagtayo sa buhanginan at ang isa ay nagtayo sa bato.
Ang isa ay madaling gumuho pagdating ng bagyo at mga pagsubok, at ang isa ay nananatiling matatag dahil nakatayo sa pundasyon ng matibay na relasyon o pagkakaisang puso at diwa ang sugo sa nagsugo sa kanya.






