291 total views
Labis na ikinabahala ng environmental advocates, church groups, at civil society organizations ang pagpapahintulot ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Special Tree Cutting at Earthballing Permits para sa pagputol ng mahigit 218,000 puno sa Palawan kaugnay ng mga proyektong pagmimina.
Sa pangunguna ng Save Palawan Movement (SPM) sa isinagawang kilos-protesta, iginiit ng mga grupo na nanganganib ang mga natitirang kagubatan, watershed, at natatanging biodiversity ng isla dahil sa patuloy na pagmimina.
Ayon kay Atty. Grizelda Mayo-Anda, Senior Legal Officer ng Environmental Legal Assistance Center (ELAC), nakababahala ang pagpayag sa pagputol ng mga punong matatagpuan maging sa mga lugar na dapat ay nasa ilalim ng mahigpit na pangangalaga.
“Palawan is an ‘earth island’—its biodiversity is unique, isolated, and once lost, it cannot be replaced. When mining removes forests, strips topsoil, and alters watersheds, the damage is not temporary. It is permanent,” pahayag ni Mayo-Anda.
Batay sa tala ng SPM, kabilang sa mga lugar na sakop ng tree-cutting permits ang 60,359 puno sa Brooke’s Point na iniuugnay sa Ipilan Nickel Corporation; 87,090 puno sa Bataraza, kabilang ang 52,000 puno sa Mt. Bulanjao na may kaugnayan sa Rio Tuba Nickel Mining Corporation; at 71,405 puno sa Aborlan na may kaugnayan naman sa operasyon Berong Nickel Corporation.
Samantala, sinabi ni Jaybee Garganera, National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina, na dapat agad imbestigahan ng Senado ang mga permit dahil taliwas ito sa umiiral na mining moratorium sa lalawigan.
“We strongly support the call for a Senate inquiry. The tree-cutting permits issued by the DENR are deeply concerning and raise serious questions, especially given the province’s mining moratorium. As the country’s last ecological frontier, Palawan’s forests should be preserved, not destroyed,” ayon kay Garganera.
Binigyang-diin ng mga grupo na ang pagtatanggol sa Palawan ay pagtatanggol din sa buhay, kabuhayan, at sa pananagutang moral na pangalagaan ang sangnilikha para sa susunod na salinlahi.
Una nang binigyang-diin ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’ ang panawagan para sa pananagutan sa pangangalaga sa kalikasan at sa mga pamayanang umaasa rito para sa kanilang kabuhayan at kinabukasan.






