495 total views
Nanawagan ang EcoWaste Coalition sa mga paaralan, magulang, guro, at pamayanan na pairalin ang mga makakalikasang hakbang sa pagsasagawa ng Brigada Eskwela 2026 upang maiwasan at mabawasan ang polusyon sa mga paaralan.
Ayon sa kay EcoWaste Coalition Zero Waste Campaigner Ochie Tolentino, mahalagang isulong ang pollution prevention upang matiyak ang mas malinis, ligtas, at mas maayos na kapaligiran para sa mga mag-aaral bago magsimula ang klase.
“Adopting these tips guarantees cleaner, safer school environments by minimizing waste and preventing toxic exposure during Brigada Eskwela and afterward,” pahayag ni Tolentino.
Kabilang sa mga mungkahi ng grupo ang pag-iwas sa paggamit ng plastic tarpaulin, pagpapatupad ng smoke at vape-free school policy, pagbabawas ng single-use plastics, wastong paghihiwalay ng basura, at paggamit ng mas ligtas na mga gamit panlinis sa mga paaralan.
Hinimok din ng EcoWaste Coalition ang mga kalahok sa Brigada Eskwela na sumunod sa Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, kabilang ang pagbabawal sa pagsusunog at ilegal na pagtatapon ng basura.
Binigyang-diin din ni Tolentino ang kahalagahan ng tamang paghawak at pagtatapon ng hazardous waste tulad ng sirang fluorescent lamps, electronic waste, at paggamit ng lead-safe paints sa mga school facilities alinsunod sa mga polisiya ng Department of Education.
“The EcoWaste Coalition wishes DepEd and all schools nationwide a united, waste-free, and pollution-free Brigada Eskwela,” ayon kay Tolentino.
Nakasaad sa Laudato Si’ at katuruang panlipunan ng Simbahan na ang pagsasabuhay ng kalinisan ay tanda ng paggalang sa kapwa, pagmamalasakit sa kalikasan, at pagkilala sa Diyos na lumikha.






