2,687 total views
Nanawagan ang Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI) sa publiko na suportahan ang pagsusulong ng Rights of Nature Bill kasabay ng pagdiriwang ng World Environment Day ngayong June 5, upang higit na mapalakas ang pangangalaga sa kalikasan at mga likas na yaman ng bansa.
Ayon sa PMPI, panahon na upang baguhin ang nakagawiang pagtingin sa kalikasan bilang simpleng pag-aari o pinagkukunan lamang ng likas na yaman at kilalanin ito bilang isang buhay na sistemang may likas na karapatang mabuhay, huminga, at muling umunlad.
“Nature isn’t a commodity; it’s a living system with its own inherent right to thrive, breathe, and regenerate,” ayon sa PMPI.
Ipinaliwanag ng PMPI na layunin ng Rights of Nature na kilalanin ang mga kagubatan, ilog, karagatan, kabundukan, at iba pang ecosystem bilang may sariling karapatan, tulad ng pagkilala sa mga karapatang pantao, upang matiyak ang balanseng ugnayan ng tao at kalikasan.
Binigyang-diin din ng organisasyon na mahalaga ang pagsusulong ng mga batas at lokal na ordinansa na magbibigay ng legal na proteksyon sa mga ecosystem, gayundin ang pagtataguyod ng mga programang nakatuon sa napapanatiling agrikultura, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapatupad ng mga umiiral na batas pangkalikasan.
“By recognizing the Rights of Nature, we shift from being masters of the Earth to being its guardians,” saad ng PMPI.
Kasabay nito, hinimok ng PMPI ang mamamayan na makiisa sa pagsusulong ng mga hakbang para sa pangangalaga ng nag-iisang tahanan at suportahan ang mga inisyatibang nagtataguyod ng katarungang pangkalikasan at napapanatiling kaunlaran para sa kasalukuyan at susunod na mga salinlahi.
Itinuturo ng Simbahan sa ensiklikal na Laudato Si’ na magkakaugnay ang tao at kalikasan, kaya ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang usaping pangkapaligiran kundi moral na pananagutan ng bawat tao para sa kabutihang panlahat at ng mga susunod na henerasyon.







