1,507 total reads
Naging makabuluhang pagkakataon para sa pananalangin, pagninilay at pagpapanibago ng pananampalataya ang misa triduo para kay San Maximilian Kolbe sa Naga City District Jail Male Dormitory.
Isinagawa ang pagdiriwang bilang paggunita kay San Maximilian Kolbe nitong August 14, patron ng mga Persons Deprived of Liberty o PDLs, na kilala sa kanyang natatanging halimbawa ng pagsasakripisyo at pagmamahal sa kapwa.
Pinangunahan nina Fr. Leonil Arce Belen, Fr. Jason Gaite, at Fr. Ace Barcena ang triduo ng mga misa sa piitan.
Samantala, pinangunahan naman ni Fr. Xavier Amoroso ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa kapistahan ng patron ng mga PDL.
Ipinaalala ng pari sa mga PDL na, sa kabila ng kanilang kalagayan ay hindi ito nangangahulugan ng pagtatapos ng buhay at pag-asa, kundi ipinamamalas sa mga halimbawa ni San Maximilian Kolbe ang patuloy na pagtitiwala sa Diyos.
Binigyang-diin sa triduo ang pagkakataon ng mga PDL para sa pagbabagong-buhay, pagbabalik-loob at paghahanda para sa panibagong simula.
Naging bukal din ng lakas at inspirasyon ang Banal na Eukaristiya para sa mga PDL at jail personnel na patuloy na humaharap sa mga pagsubok, lalo na sa proseso ng pagbabago at rehabilitasyon.
Higit na naging makahulugan ang paggunita kay San Maximilian Kolbe dahil sa kanyang halimbawa ng labis na pagmamahal sa kapwa.
Sa halip na iligtas ang sarili, pinili ng martir na ialay ang kanyang buhay para sa isang kapwa bilanggo sa Auschwitz concentration camp noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa kanyang halimbawa, muling pinaalalahanan ang mga PDL sa kahalagahan ng pagpapatawad, pagsasakripisyo, at pagmamahal na hindi naghihintay ng kapalit—mga pagpapahalagang maaaring maging daan tungo sa tunay na pagbabagong-loob.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Naga City District Jail sa mga paring nanguna sa mga pagdiriwang dahil sa kanilang patuloy na paglilingkod, pagbabahagi ng Salita ng Diyos at pagpapalakas sa pananampalataya ng mga PDL at jail personnel.
Muling iginiit ng pari na sa bawat panalangin ay may pag-asa, sa bawat pagbabalik-loob ay may bagong simula, at sa bawat taong nagnanais magbago ay nananatiling bukas ang pagkakataong muling bumangon.
Si San Maximilian Kolbe, na isang Pransiskanong pari, ay pinatay noong August 14, 1941 at idineklarang santo ni Saint John Paul II noong October 10, 1982 at kinilalang ‘Patron Saint of Prisoners.’
(Reports courtesy of JO3 Joefrie Barbacena Anglo)




