1,031 total reads
Hinamon ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mga church workers na seryosohin ang kanilang papel bilang mga lingkod na tumatanggap sa mga deboto at peregrino sa pamamagitan ng pagiging malinis ang puso, masunurin sa Diyos at magalang sa kapwa.
Sa kanyang mensahe sa isinagawang Marian Conference for Church Workers sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral noong August 19, binigyang-diin ng obispo na hindi lamang teknikal na gawain sa mga misa at aktibidad ng parokya ang gawain ng mga layko.
“Hindi tayo dekorasyon. Hindi tayo extra. Hindi tayo background. Tayo ang unang tanda ng presensya ng Diyos,” ayon kay Bishop Santos.
Sinabi ng obispo na ang paraan ng pakikitungo ng mga church worker ay maaaring maging unang karanasan ng isang deboto sa presensya ng Diyos.
“Tayo ang unang nakikita nila. Tayo ang unang ngiti. Tayo ang unang boses. Tayo ang unang kamay na tumutulong. Tayo ang unang mukha ng simbahan,” giit ng obispo.
Iginiit ni Bishop Santos na mahalagang isabuhay ng mga church worker ang tatlong katangiang ipinamamalas ng Mahal na Birhen: kalinisan ng puso, pagsunod at paggalang.
“Maging malinis. Maging masunurin. Maging magalang. Tatlong biyaya. Tatlong ugali. Tatlong tanda ng isang lingkod na tunay na anak ng Diyos at tunay na anak ng Birhen,” aniya.
Paliwanag ni Bishop na ang pagiging malinis ay hindi nangangahulugang walang pagkakamali, kundi ang pagkakaroon ng pusong tapat, payapa, at malaya sa inggit, pagyayabang, at pag-aagawan.
Samantala, ang pagsunod ay tanda ng tiwala, pananampalataya, at kababaang-loob, tulad ng ipinakita ni Maria nang sabihin niya sa mga lingkod sa Cana: “Gawin ninyo ang anumang sasabihin Niya sa inyo.”
Hinikayat din ng obispo ang mga church worker na maging magalang sa Diyos, sa kapwa lingkod, at higit sa lahat, sa mga deboto at peregrino.
Nilinaw ni Bishop Santos na hindi lamang usapin ng mabuting asal ang paggalang kundi isang paraan upang maipadama ang pagpapahalaga ng Diyos sa bawat taong pumapasok sa simbahan.
Binalaan niya ang mga lingkod ng Simbahan na maaaring maging kabaligtaran ang epekto ng kanilang ministeryo kung hindi kabutihan at pakikipagkapwa ang ipinakikita nila sa mga taong kanilang pinaglilingkuran.
“Kung tayo ay malinis, masunurin, at magalang, makikita nila ang presensya ng Diyos. Kung tayo ay magaspang, mainit ang ulo, o walang pakialam, makikita nila ang simbahan na walang puso,” paliwanag ni Bishop Santos.
Hinikayat ni Bishop Santos ang mga church worker na maging tunay na “mga kamay, tinig, ngiti, at puso ng simbahan”, upang sa kanilang paglilingkod ay hindi lamang maranasan ng mga deboto ang malasakit ng isang tagapaglingkod kundi lalo pang maaakay tungo kay Hesus.
Ang Marian Conference for Church Workers ay isinagawa bilang panahon ng pagninilay at espirituwal na pagpapanibago para sa mga lektor, commentator, lay ministers, greeters, collectors, at iba pang church workers, sa ilalim ng pangangalaga ng Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje, lalo na ngayong ipinagdiriwang ng dambana ang ika-400 taon ng pagdating ng imahe at ika-100 taon ng kanyang canonical coronation.




