916 total reads
Natuklasan sa pag-aaral ng Philippine Mental Health Association (PMHA) na 14 sa bawat 100 Pilipino ang may mental health condition.
Ito ang lumabas sa pinakabagong National Survey on Mental Health and Well-being.
Inihayag ni Dra.Carolina Uno-Rayco, PhD, RPsy, RGC, National Executive Director ng P-M-H-A na kabilang sa mga pinakakaraniwang mental health conditions na nakikita sa mga Pilipino ang anxiety, alcohol o substance use disorders, at depression.
Natuklasan din ng P-M-H-A sa mga lumalapit sa kanilang serbisyo ang epekto ng iba’t-ibang salik na nakadaragdag sa stress at pagkabalisa.
Nilinaw ni Rayco na nakakaapekto din sa mental health ng mga Pilipino ang pag-alala kung paano pagkasyahin ang kita at sahod sa pagkain, tuition fee, pambayad ng bahay, pambayad sa kuryente at tubig gayundin sa pang-araw araw na gastusin.
Dagdag pa rito ang epekto ng mga digmaan, school violence, climate change at banta ng matitinding kondisyon ng panahon, na maaaring magdulot ng takot at pangamba.
Ayon kay Rayco, batay sa pag-aaral P-M-H-A, napapalakas pa ng social media ang cumulative stress dahil sa mabilis na pagkalat ng impormasyon tungkol sa mga krisis at iba pang negatibong pangyayari.
Kaugnay nito, binigyan diin ni Rayco ang paggabay ng mga magulang sa mga kabataan dahil hindi pa ganap na mature ang kanilang critical thinking upang matukoy kung alin sa mga nakikita online ang totoo, angkop o mapagkakatiwalaan.
Ipinaalala rin ni Uno-Rayco ang panganib ng unnecessary comparison sa social media, kung saan inihahambing ng mga tao ang kanilang buhay sa nakikita nilang tagumpay ng iba.
“I think it’s a confluence of all of those factors. Yung pagtaas ng presyo ng bilihin, hindi lang po ‘yan economic issue; mental health issue ‘yan, yung mga tao naaapektuhan ‘yung kanilang lusog-isip dahil iniisip kung paano mapagkakasya ito sa pamilya ko—’yung tuition, babayaran ko pa next month o at the end of this month, ‘yung pang-araw-araw na gastusin. Tapos, ‘yung mga nangyayari sa kapaligiran natin—’yung mga gera, ‘yung school violence, nag-create ito ng takot; ‘yung pag-iba-iba ng climate, ‘yung climate change na tinatawag natin, at ngayon lumalabas nga itong super El Niño. Nakaka-amplify pa dito ‘yung social media. Parang medyo nakikita na isolated, pero ngayon, in one click of a finger, lahat nakakaalam kaagad. And it causes so much anxiety, it causes so much worry to people,” ayon sa panayam kay Rayco sa Programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Naunang nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pastoral letter na “Come to Me, All You Who Labor and Are Burdened,” ng sama-samang pagtugon sa mental health problems ng mga Pilipino.




