1,396 total reads
Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Indigenous Peoples o CBCP-ECIP ang pamahalaan na kilalanin at pangalagaan ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno.
Ginawa ni Tony Abuso, executive secretary ng CBCP-ECIP sa paggunita ng Indigenous People’s Sunday sa October 11.
Inihayag ni Abuso na kabilang sa itinatampok ngayong taon ang kalagayan ng mga ‘Bacao Ayta’ na binubuo ng 120-pamilya sa Palayan City, Nueva Ecija, na mahigit tatlong dekada nang naninirahan sa lugar matapos lumikas mula Pampanga kasunod ng pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991.
“Ah kasi mahirap na pong makabalik itong mga Aita sa Pampanga dahil ’yung kanilang komunidad ay iba na at medyo talagang dahil din sa Pinatubo talagang naiba ang pamumuhay na nila. At medyo tatlumpung taon na rin mahigit ang mga katutubo diyan sa Palayan City. Kaya isang henerasyon na mahigit ay talagang diyan na rin umusbong. So ’yun po ang malaking isyu ngayon diyan sa Bacao at ito po ay higit-kumulang mga 120 pamilya,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas sa Programang Baranggay Simbayanan kay Abuso.
Sinabi ni Abuso na patuloy na usapin sa mga katutubo ang pagkilala sa kanilang ancestral domain, lalo na sa mga komunidad na wala pang Certificate of Ancestral Domain Title, kahit may mga claim sa kanilang lupang ninuno.
Binigyang-diin ni Abuso na mahalagang kilalanin ng gobyerno ang kanilang mga karapatan alinsunod sa prinsipyo ng native title.
Nilinaw ng executive secretary ng CBCP-ECIP na hindi lamang pisikal na paglilipat ang maaaring maging epekto ng mga proyektong may kinalaman sa kanilang mga lupain, kundi maging ang pagkawala ng kultura at tradisyon ng mga katutubo, lalo na sa mga susunod na henerasyon.
Tinukoy ni Abuso ang hindi malinaw na programa para sa mga katutubo tulad ng kawalan ng relokasyon sa mga napilitang maglipat ng komunidad dahil sa epekto ng kalamidad.
Binibigyan diin sa paggunita ng Indigenous People’s Sunday 2026 ang temang “Pakikipaglakbay sa mga Katutubo: Pagpaparangal sa Nilikha ng Diyos at Karapatan ng Kalikasan,” na pagkilala sa mga katutubo bilang bahagi ng nilikha ng Diyos at sa pangangalaga sa kanilang karapatan at kalikasan.
Panawagan ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’ na pangalagaan ang ating common home at kilalanin ang ugnayan ng pangangalaga sa kalikasan, dignidad ng tao at kapakanan ng mga higit na naaapektuhan ng pagkasira ng kapaligiran.




