1,631 total reads
Nararamdaman na sa Tabuk City, Kalinga ang epekto ng El Niño, lalo na sa suplay ng tubig para sa agrikultura at produksyon ng palay.
Ayon kay Clay Bagano, dating chairman ng Tabuk City Cooperative Development Council, mas mababa na sa normal ang rainfall kaya nakararanas na ng dry spell o tagtuyot ang ilang bahagi ng Cordillera at karatig na Region 2.
Sa panayam ng Radyo Veritas, sinabi ni Bagano, na umaasa ang mga magsasaka sa Tabuk sa tubig na mula sa Chico River para sa kanilang mga sakahan, subalit bumaba na rin ang lebel ng tubig, gayundin ang halumigmig ng lupa.
“Dito sa CAR, dito sa Tabuk mismo sa Kalinga, we are actually dependent sa tubig galing ng Chico River. Lahat ng agricultural activities namin is dependent sa tubig galing ng Chico River. Ang nangyari ngayon, below normal na yung ating volume ng tubig, kaya nahihirapan na itong ating agricultural sector. Yung availability ng tubig at yung moisture ng soil medyo affected na po,” ayon kay Bagano.
Bukod pa rito, ibinahagi ni Bagano na tumitindi na ang init sa Cagayan at mga karatig na lugar hanggang Tabuk, kaya nababawasan ang oras na maaaring magtrabaho ang mga magsasaka sa bukid.
Tinaguriang rice granary ng Cordillera ang Tabuk at mga karatig na lugar.
Dahil dito, maaaring magkaroon ng epekto sa suplay ng bigas hindi lamang sa Luzon kundi sa buong bansa kung magpapatuloy ang pagbaba ng ani.
Tinatayang 30 hanggang 50 porsiyento ang ibinaba ng ani ng palay sa ilang lugar sa Tabuk.
Mula sa karaniwang 120 kaban bawat ektarya, nasa 80, 70 o maging 60 kaban na lamang ang naaani ng ilang magsasaka.
Bilang tugon, iminungkahi ang mas malaking pamumuhunan ng lokal at pambansang pamahalaan sa mga water impounding facility at solar-powered pumping system para makatulong sa irigasyon.
“Yung mag-invest sana ang LGU natin sa mitigation activities, gaya ng water impounding. Kailangan mag-invest sila as solar pumping, kasi yun na ang parang pwede nating katulong sa irrigation galing sa Chico River,” ayon kay Bagano.
Article by: Jerry Maya Figarola & Marian Navales Pulgo




