1,581 total reads
Iginiit ng Federation of Free Workers (FFW) ang pangangailangan ng mas malawak na proteksiyon at compensation para sa mga manggagawang nalalagay sa panganib dahil sa matinding init, lalo na ang mga traffic enforcer, delivery rider, construction worker at agricultural worker.
Sa panayam sa prorgramang Baranggay Simbayanan ng Radyo Veritas 846, inihayag ni Julius Cainglet, Vice President for Research, Advocacy and Partnerships ng FFW, may karapatan ang mga manggagawa na tumanggi sa trabahong nagdudulot ng panganib sa kanilang kalusugan at buhay.
Kapaloob ang karapatang ito sa ‘Republic Act 11058 o Occupational Safety and Health Law’, at sa mga umiiral na alituntunin.
Ipinaliwanag ni Cainglet na pinalawak ng Employees Compensation Commission ang mga sakit na maaaring saklawin ng Employees’ Compensation Program kaugnay ng heat stress, kabilang ang heat syncope, heat rash, muscle injury, dehydration na nagdudulot ng pinsala sa bato, at mga neurological disorder.
Hinimok naman ni Cainglet ang pamahalaan na pag-aralan ang pagbibigay ng wastong compensation sa mga araw na hindi makapagtrabaho ang mga manggagawa dahil sa matinding init, gayundin ang pagpapalakas ng mga programang pangkaligtasan sa lugar-paggawa.
Iminungkahi nito ang pagbabago ng iskedyul ng trabaho upang maiwasan ang pinakamatinding sikat ng araw, pagbibigay ng sapat na malinis at malamig na tubig, angkop na kasuotan at proteksiyon sa init, at pagpapatupad ng mga occupational safety and health program.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang matiyak ang proteksiyon ng mga delivery rider at iba pang manggagawang itinuturing na independent contractor.
Sagot ito ng F-F-W sa implementasyon ng Department of Labor and Employment o DOLE ng Labor Advisory No. 19, Series of 2026 noong October 23 na nag-uutos sa mga employers na unahin ang kapakanan ng kanilang mga manggagawa laban sa matinding init na idudulot ng Super El Niño.
Binibigyan diin sa ensiklikal na Laborem Exercens ni Saint John Paul II ang dignidad ng paggawa at sa karapatan ng mga manggagawa sa ligtas at makataong kondisyon sa trabaho.




