1,066 total reads
Hinimok ni Capiz Archbishop Victor Bendico ang mga mananampalataya na higit na pahalagahan ang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal sa Nobyembre 1, 2026 sa pamamagitan ng pagtulad sa kanilang kabanalan, sa halip na makilahok sa mga pagdiriwang na nagtatampok sa kasamaan at mga gawaing salungat sa pananampalatayang Kristiyano.
Sa liham pastoral ni Archbishop Bendico na may titulong “Called to Holiness: Choosing the Light of Christ,” na inilabas noong Oktubre 22, 2026 binigyang-diin ng Arsobispo na ang lahat ng Kristiyano ay tinawag sa kabanalan, anuman ang kanilang estado sa buhay.
Ayon kay Archbishop Bendico, bagama’t maraming gawaing may temang Halloween ang itinuturing na libangan, may ilan namang nagpapaganda sa mga demonyo, okultismo at karahasan na maaaring makaimpluwensiya sa pagpapahalaga ng mga bata.
“We need neither exaggerated fear nor careless indifference, but sound Christian discernment.” Bahagi ng liham pastoral ni Archbishop Bendico.
Bilang alternatibo, hinikayat ng Arsobispo ang mga parokya, paaralang Katoliko at mga komunidad na magsagawa ng Parade of Saints, kung saan maaaring ilarawan ng mga bata ang mga santo at matutuhan ang kanilang buhay at mga birtud sa pamamagitan ng panalangin, katekesis at pagkukuwento.
“Their purpose is not merely to replace one costume party with another, but to teach every child: you, too, are called to become a saint.” Dagdag pa ni Archbishop Bendico.
Binigyang-diin din ni Archbishop Bendico na dapat makita ang kabanalan sa pang-araw-araw na buhay sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod, matatag na pamilya, malasakit sa mahihirap at pagmamahal sa kapwa.
Ipinaalala rin ng Arsobispo na magkaugnay ang pagdiriwang ng All Saints’ Day sa Nobyembre 1, 2026 at ang paggunita sa mga pumanaw na tapat na yumao sa Nobyembre 2, 2026 na kapwa nagpapahayag ng pag-asa sa muling pagkabuhay.
Sa pagtatapos ng liham pastoral, hinimok ni Archbishop Bendico ang mga pamilya at komunidad na maging huwaran ng pananampalataya at ituro sa kabataan ang tunay na diwa ng pagdiriwang.
“Let us teach our children to admire what is holy, not to glorify what is evil. Let us celebrate the saints, imitate their virtues, and choose the light of Christ.” Ayon pa kay Archbishop Bendico.
Umaasa rin si Archbishop Bendico na sa pamamagitan ng panalangin at pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, Reyna ng Lahat ng mga Banal ay higit pang lalago sa kabanalan ang mga pamilya, parokya, paaralan at komunidad sa Arkidiyosesis ng Capiz.




