769 total reads
Binigyang-diin ng Stairway Foundation, isang organisasyong nagsusulong ng pangangalaga sa karapatan ng mga kabataan na hindi dapat isisi lamang sa paggamit ng internet at social media ang karahasan laban sa mga bata o ang karahasang kinasasangkutan ng kabataan, kundi dapat itong tugunan sa pamamagitan ng sama-samang pananagutan ng pamilya, mga technology platform at pamahalaan.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, ipinaliwanag ni Ace Diloy – Child Protection Specialist ng Stairway Foundation, na kailangang unawain ang iba’t ibang salik na nakaaapekto sa asal at kaligtasan ng mga bata, sa halip na ituring na iisang dahilan lamang ang kanilang pag-access sa social media.
Ayon kay Diloy, ginagamit ng mga child rights organization ang tinatawag na socio-ecological model upang maunawaan kung paano nakaaapekto ang pamilya at iba pang bahagi ng lipunan sa kakayahan ng mga bata na umiwas sa karahasan at maging mas matatag laban dito.
“Napakasimplistiko kasi nung pagtingin na dahil lang sa access sa internet o social media kaya nagkakaroon ng violence against or committed by children.” Bahagi ng pahayag ni Diloy sa panayam sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang koneksiyon ng mga magulang sa kanilang mga anak at ang mga pagpapahalagang naipapasa sa loob ng tahanan.
“Hindi pwedeng gawing kapalit ang parenting ng mga gadgets sa parenting kasi, ah, ‘yung family connection, ‘yung connection ng parents at ‘yung value system na na-pinapasa ng magulang at pamilya sa bata, ang isa sa malaking nag-i-influence para siya ay maging mabuting mamamayan o ‘di kaya ay tumaas ‘yung resiliency against violence.” Dagdag pa ni Diloy.
Gayunman, nilinaw ni Diloy na hindi dapat sa mga magulang lamang ibunton ang responsibilidad sa pagprotekta sa mga bata, lalo na sa mga panganib na nagmumula sa online interactions.
Ayon kay Diloy, may pananagutan din ang mga social media platform na tiyaking ligtas ang kanilang mga digital space, dahil maaari pa ring makatagpo online ang mga bata ng mga taong naglalayong manamantala o ng mga nilalamang hindi angkop sa kanilang edad.
Ipinaliwanag din niya ang kahalagahan ng safety by design, o ang sadyang pagdidisenyo ng mga online platform upang mabawasan ang mga pagkakataong malantad ang mga bata sa mapanganib na pakikipag-ugnayan at hindi kanais-nais na karanasan.
“’Yung tech platforms may accountability na gawing safe ‘yung espasyo ng mga bata sa online spaces. So, ‘yung safety by design na tinatawag. Dapat very purposive ‘yung pagde-design ng mga online spaces para lumiit ‘yung opportunity ng mga bad actors o threat actors na magkaroon ng interaction sa mga bata, makakita ‘yung mga bata ng age-inappropriate content, at magkaroon ng hindi kaaya-ayang experience.” Ayon pa kay Diloy.
Pamahalaan, mahalaga sa batas at edukasyon sa online safety
Samantala, sinabi rin ng child protection specialist na mahalaga ang papel ng pamahalaan sa pagbuo ng mga patakarang magtatakda at magpapatupad ng pananagutan ng iba’t ibang sektor.
Kabilang dito ang pag-aatas sa mga technology platform na nagsasagawa ng operasyon sa Pilipinas na panagutan ang kaligtasan ng mga bata, gayundin ang paglalaan ng kaukulang parusa sa mga hindi tumutupad sa kanilang mga obligasyon.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang suportahan ang mga programa ng mga ahensiya ng pamahalaan, gaya ng Department of Education (DepEd), para sa paggabay sa mga magulang at pagtuturo sa mga bata tungkol sa online safety kung saan kabilang sa mga halimbawang binanggit ni Diloy ang Kaagapay Program ng DepEd.
Samantala sa usapin ng mga panukalang pagbabawal sa paggamit ng social media batay sa edad, iginiit ni Diloy na dapat magkaroon ng balanse ang mga regulasyon upang maprotektahan ang mga bata nang hindi lubusang inaalis ang mga kapakinabangan ng teknolohiya.
“So, dapat tayong duty bearers and stakeholders ay may responsibility na gawing safe ang online space para ma-enjoy ng mga bata ‘yung benefits ng technology.” Ani Diloy.
Sa kabuuan, nanawagan si Diloy ng sama-samang pagkilos ng mga magulang, paaralan, technology platform at pamahalaan upang matiyak na ligtas ang online environment ng kabataan.
Binigyang-diin ng kanyang pahayag na ang pangangalaga sa mga bata ay hindi lamang usapin ng paglilimita sa kanilang paggamit ng gadgets, kundi ng paglikha ng mga tahanan, institusyon at digital space na kumikilala at nagpoprotekta sa kanilang karapatan at kapakanan.




